Have You Ever Been Inlove?, Kaunting Kilig, SHORT STORIES

Truth or Dare

“Bakit ganun? Nakakailang spin na tayo ng bottle pero hindi pa rin natatapatan si Narien?”

“Baka naman may powers si Narien at kinokontrol ang bote.”

“Ai naku! ‘Di ba sabi ko naman sa inyo na ilag sa akin ang mga bote?”

“Haayy.. Ewan. Sige magtitimpla na ako ng juice para sa inyo.”

“Sarapan mo ha!”

“Pwede bang samahan mo na ng sandwich? Thanks!”

Hindi maipinta ang mukha ni Karen na umalis saglit upang kumuha ng meryendang iniutos ni Narien. Ang apat na magkakaibigang sina Narien, Karen, Jane at Liezel ay nagkakatuwaang maglaro ng Truth or Dare sa bahay nila Narien na tambayan nilang magkakabarkada.

“Ang tagal naman”, angal ni Jane. “Nagugutom na ako.”

“Hello guys! I’m here na. Pasensya na medyo natagalan ako.”

“Nasaan ‘yung meryenda?” nagtatakang tanong ni Liezel. Wala kasing bitbit si Karen.

“Well, may na-meet ako na gentleman d’yan sa labas. At nagvolunteer s’ya upang tulungan ako. Sino naman ako para tumanggi ‘di ba?”

Mula sa likuran ni Karen ay lumitaw ang isang lalaking may bitbit na tray ng meryenda.

“Jake? Anong ginagawa mo dito?” eksaheradang tanong ni Narien.

“Bakit? Masama ba na nandito ako?” tanong ni Jake. Kababata n’ya ito. Magkaibigan ang kanilang mga magulang. Magkagayunman ay naiinis s’ya dito dahil presko ang dating nito para sa kanya.

“Alam mo naman na ayaw ko sa’yo ‘di ba?” pagtataray ni Narien.

“Oy tama na nga ‘yan! Sa tuwing magkikita kayo lagi na lang kayong parang aso at pusa kung magbangayan”, awat ni Liezel. “Mabuti pa Jake samahan mo na lang kami dito.”

Pinandilatan ni Narien si Liezel ngunit pinandilatan din s’ya ng kaibigan. Ngiti ng pagwawagi ang nakita ni Narien kay Jake na halatang inaasar siya kaya inirapan n’ya ito.

“Ano bang pinagkakaabalahan ninyo?” tanong ni Jake na umupo katapat si Narien.

“Truth or Dare. Ang magtatanong sa natapatan ng bote ay ang katapat n’ya.” Paliwanag ni Karen.

Napatingin si Jake sa tapat n’ya at ganun din si Narien.

“Jane, pwedeng bang palit tayo ng pwesto?” pabulong ni Narien sa katabi.

“Wala nang lilipat,” wika ni Jake.

Tinitigan ni Narien ng matalim si Jake lalo na ng ngumiti ito ng makahulugan pagkatapos na bulungan ni Karen.

“Ok. Dahil kadarating ko lang, ako na ang mag-iikot ng bote.”

Pinaikot ni Jake ang bote at tumapat ito kay..

“Huli ka!..” nangingiting sabi ni Jake sa nagulat na si Narien.

“Aba! Ang galing a. Natapatan din sa wakas si Rie,” namamanghang sabi ni Jane.

“All you need is concentration,” pagpapaliwanag ni Jake.

“Ang yabang talaga! Bilisan mo na. Magtanong ka na!” asik n’ya dito. “Dalian mo lang ang tanong.”

“Aba marunong ka pa sa ‘ken. Ngayon, malalaman na ng mga friends mo ang mga hindi pa nila alam tungkol sa’yo! Uhuging bata!” tumawa pa ito.

“Uhugin?!” sabay-sabay na ulit ng tatlo at nagsitawanan.

“Anong uhugin? Ikaw nga d’yan ang laki-laki mong bata iyakin ka!” ganti ni Narien.

Hindi pa rin maawat sa pagtawa ang tatlo.

“Talaga Rie? Uhugin ka dati?” hindi mapigilang tanong ni Karen.

“Ay naku! Naniwala naman kayo sa hambog na ‘yan!” tinitigan niya ng masama si Jake. “Ikaw kalalaki mong tao ang daldal mo!”

“Truth or dare?” agad na tanong ni Jake.

Napaisip si Narien. Kung truth, baka kung anu-ano ang itanong nito sa kanya. Kung dare naman, baka pahirapan s’ya. Kapag truth… napatingin si Narien sa kamay ni Jake.

“Dare!” wala sa loob na sagot n’ya.

Kakaiba ang naging pagngiti ni Jake. Hindi iyon nagustuhan ni Narien. Para bang may binabalak ito na hindi niya magugustuhan. Matagal munang nagtitigan si Narien at Jake bago sinabi ng huli ang kanyang dare.

“Susundin mo ang lahat ng iuutos ko sa’yo sa loob ng isang linggo.”

Narinig ni Narien ang sinabi ni Jake. Ngunit mga ilang segundo pa ang lumipas bago pumasok sa isip n’ya at mag-sink in ang sinabi nito.

“What?!” una n’yang reaksyon na nanlalaki ang mga mata. “ Hindi pwede ‘yun! Isang araw lang ang dare at hindi isang linggo. Naiintindihan mo ba?”

“Bakit? Meron bang rules ng truth or dare about sa hindi pwedeng ipagawa?”

“Kahit na! It’s unfair! Ayokong maging alila mo!”

“Ok kung ayaw mo, madali naman akong kausap. Maaaring bukas o makalawa sikat na sikat ka na sa school,” tumingin ito sa kanya at ngumiti. “Marami akong alam.”

Umalingawngaw sa pandinig ni Narien ang mga sinabi ni Jake. Naimagine niya ang sariling pinagtatawanan ng lahat. Mga posters ng katangahan n’ya sa paligid. Kilala niya si Jake. Hindi ito basta-basta nagbibitiw ng salita. Tinototoo talaga nito.

“Ang sama mo talaga! I hate you!” nanlilisik ang mga mata ni Narien.

“So ano? Payag ka na?” nasa mga tingin at ngiti nito ang pagbubunyi.

##

“Ang gusto ko sabay tayong papasok at uuwi. Tandaan mo Rie. For one week ‘yun. Maliwanag?”

 

Naiinip na si Narien. Kanina pa s’ya nakatayo sa harap ng gate nila at kanina pa nanghahaba ang leeg sa katatanaw sa taong hinihintay niya. Napatingin siya sa relo. 7:30 am. Kanina pa nakaalis ang daddy n’ya. Kung sumabay siya dito ay hindi sana siya male-late sa usapan nila ng mga kaibigan niya at hindi siya maiinis ng ganun kaaga.

Ilang minuto pa ang nakaraan at tumapat ang isang pamilyar na kotse sa harap n’ya. Bumaba ang sakay nito.

“Goodmorning bestfriend!” nakangiting bati ni Jake.

“Buti naman at naisipan mo pang pumasok!” nanggigigil na sabi ni Narien.

Buong byaheng hindi kumibo si Narien. Gusto niyang iparamdam kay Jake na hindi n’ya nagugustuhan ang mga iniuutos nito. At higit sa lahat gusto na n’yang matapos ang isang linggo.

“Pupuntahan kita sa room n’yo sa breaktime,” bago bumaba ay bilin ni Jake kay Narien.

Tumingin lang si Narien dito pagkatapos ay pabalibag na isinara ang pinto ng sasakyan. Nagulat siya nang may bumati sa kanya. Si Jerwin. Ang kanyang secret crush.

“Hi Narien! Goodmorning! Kasabay mo na pala si Jake?”

“A oo. Ngayon lang kasi ano.. Kasi, nakiusap lang si dad na kung pwede sumabay muna ako sa kanya for one week lang,” pagdadahilan ni Narien at agad na s’yang nagpaalam dito. “ Sige Jerwin I have to go.”

# #

“Alam mo ang epal mo talaga. Pati ba naman breaktime ko sinisira mo. Minsan tuloy naiisip ko, may gusto ka sa ‘ken kaya gusto mo lagi akong kasama.”

Napatawa si Jake sa sinabing ito ni Narien.

“’Yan ang guto ko sa’yo Rie. Lagi kang nagpapatawa. Oo. Gusto kita! Gusto kitang asarin. Ang cute mo kasi kapag naiinis ka,” tumawa pa ito.

Binato ito ni Narien ng tissue.

“Ang pikon mo pa rin talaga.”

“Kapag sa’yo oo!” tumayo na si Narien.

“O saan ka pupunta?” tanong ni Jake.

“Sa C.R. Sama ka?” inis na sagot ni Narien at inirapan ito.

# #

“Sa wakas! Nakatakas din ako sa Jake na ‘yun! Kahit kelan nakakainis talaga ang bakulaw na ‘yun!” nagbubunying wika ni Narien.

“Sa tingin ko ok namang kasama si Jake,” komento ni Liezel.

“Akala mo lang ‘yun. Mula pagkabata asungot na sa buhay ko ‘yang si Jake.”

“Kahit ni minsan hindi ka n’ya ginawan ng bagay na maganda?”

Natigilan si Narien sa pagtatanong ni Liezel. Naalala niya noong ipinagtanggol s’ya ni Jake sa mga nang-away sa kanya noong mga bata pa sila.

“Bakit ‘di ka na umimik d’yan?” untag ni Liezel.

“Wala.” sagot ni Narien na tumahimik na hanggang sa makarating sila sa tambayan nila kung saan naabutan nilang abalang-abala ang dalawang kaibigang si Jane at si Karen. May kasamang lalaki ang mga ito. Si Jerwin.

“Seryosong-seryoso kayo d’yan a.”

Napatingin ang tatlo sa kanila.

“Nagpapaturo kami kay Jerwin,” si Karen na bahagyang nakasimangot.

“Math ba ‘yan?” hula ni Liezel dahil sa nakitang ekspresyon ng kaibigan.

“Oh yeah!” umirap si Karen. “ You know naman ‘di ba how I hate Math!”

“So kumusta naman ang friend ko Jerwin? May improvement ba?” natatawang tanong ni Narien.

“Meron din naman kahit konti,” pabirong sagot ni Jerwin.

“Konti?” nakangiting ulit ni Narien. Nagkatinginan sila ni Liezel at sabay na tumawa. “Hindi na rin masama.”

Ilang sandali pa ang nakaraan at nagkukwentuhan na ang lima. Masaya si Narien na kasama nila si Jerwin lalo pa’t napapansin n’ya na nitong mga nakaraang araw ay nagiging close sila ni Jerwin.

Naputol lang ang kasiyahan nila nang dumating si Jake.

“Hi everyone! May class pa ba kayo?” tanong nito na ang pinakatinutumbok ng tanong ay si Narien.

“Wala na kaming klase ni Rie,” si Liezel ang sumagot dito. “May kailangan ka ba?”

“Pwede bang mahiram muna ang kaibigan ninyo?” walang paliguy-ligoy na tanong nito.

“Oh sure. Basta isosoli mo s’ya sa ‘min,” birong tugon ni Karen.

Ngumiti lang si Jake. Hindi naman mapakali si Narien. Gusto n’yang batukan sina Liezel at Karen.

“Shall we?” tanong kay Narien ni Jake.

Napatingin si Narien dito. Pagkatapos ay nilingon si Jerwin na nagtatakang nakatingin sa kanila. Magpapaliwanag sana si Narien kay Jerwin ngunit nakita n’ya ang nagbabantang tingin ni Jake kaya hindi na n’ya naituloy. Napipilitang sumama na lang s’ya kay Jake.

“Ingat kayo! Enjoy!” pahabol nila Liezel sa papaalis na sila Narien at Jake.

# #

“Ano bang problema mo?”

“Tinatanong pa ba ‘yan?” pairap na tanong ni Narien.

Ngumiti lang si Jake. Dahan-dahan nitong inihinto ang sasakyan.

“Ba’t tayo tumigil?” sita ni Narien.

“Ang init kasi ng ulo mo. Palamig muna tayo.”

Bumaba ito ng sasakyan. Ilang saglit pa at bumukas ang pinto sa tabi niya.

“Baba na d’yan. Baka gusto mong buhatin pa kita.”

Nakasimangot na bumaba si Narien.

Nasa isang park sila. Naunang naglakad si Jake palapit sa nagtitinda ng sorbetes.

“Hindi naman ako mahilig sa ice cream,” pagmamaktol pa ni Narien habang sumusunod kay Jake.

“Pero kumakain ka din naman ‘di ba?” nakangiting nilingon siya nito. “Manong dalawang ice cream po. Avocado flavor.”

Magrereklamo pa sana si Narien pero tumahimik na lang nang marinig ang flavor na binili ni Jake. Walang imik na kinuha n’ya ang ice cream nang iabot ito sa kanya at umupo sa kalapit na bench. Tinikman n’ya muna ito. At nang magustuhan ay tinuluyan na itong kainin.

“Masarap ‘di ba?”

Bahagyang nagulat s Narien sa tanong ni Jake. Kanina pa pala ito nakatingin sa kanya. Simpleng tango ang itinugon niya dito.

“Wala ka kasing bilib sa ‘ken. Hindi naman kita dadalhin dito kung hindi mo ‘to magugustuhan.”

Napairap na lang si Narien sa sinabi nito.

“Ang yabang,” bulong niya.

“Ano ‘yun?”

“Wala,” nagpaskil siya ng pekeng ngiti. “Sabi ko salamat.”

“You’re welcome,” ngumiti pa si Jake.

“Salamat dahil bingi ka,” dugtong pa ni Narien sabay tawa.

Ngunit natigil siya sa pagtawa ng mapansing nakatitig sa kanya si Jake.

“Bakit?” nagtatakang tanong niya.

Hindi sumagot si Jake.

“Hoy bakit ganyan ka makatingin? Masyado ba akong maganda?”

“Ang kapal mo rin no?” naaaliw na wika ni Jake na parang natauhan sa ginawa niya. “Gusto mo bang maging komedyante? May ice cream ka sa pisngi mo. ‘Di ka lang uhugin maamos ka pa.”

Natigilan si Narien nang maramdaman ang pagdampi ng kamay ni Jake sa kanyang pisngi. Malamig ang ice cream ngunit natalo iyon ng init ng kamay nito. Agad s’yang lumayo na para bang napaso.

“Pasensya na a. Mas masarap kasi kumain kapag makalat,” pagtataray n’ya dito para matigil ang pagkaasiwang unti-unti niyang nararamdaman.

Ngumiti lang si Jake sa inakto n’ya.

“Narien.”

“Hmm?” tumingin siya rito.

“Gusto ko lang malaman kung bakit lagi na lang umiinit ang ulo mo sa tuwing nagkikita tayo.”

Umarko ang kilay ni Narien. Tiningnan niya ng maigi si Jake. Tinantya kung seryoso ba talaga ito sa tanong na iyon. At pagkaraan ay tumawa. Kunut-noong tiningnan s’ya ni Jake.

“What’s funny? Mali ba ‘yung tanong ko?”

Tumigil sa pagtawa si Narien. “You know what Jake? Ang yabang mo kasi.”

Hindi nagsalita si Jake. Nakatingin lang ito sa kanya.

“’Yun ba ang tingin mo sa akin?”

“Oo.”

Nagkibit-balikat na lang ang ngayon ay nangingiting si Jake.

Ilang sandaling katahimikan ang namayani sa pagitan nilang dalawa. Si Jake. Lihim na sinusulyapan si Narien. Sa totoo lang hindi n’ya rin maintindihan ang sarili kung bakit ba gustong-gusto n’yang asarin si Narien. Bata pa lang ay madalas na n’ya itong tuksuhin at kadalasan na napapaiyak n’ya pa ito. Agad n’ya itong aaluin ngunit tatakbo lang ito palayo sa kanya at tatapunan s’ya ng isang matalim na tingin bago tuluyang mawala sa paningin niya. Hindi n’ya mapigilan na mapangiti sa ala-alang iyon.

Si Narien. Lihim na pinapakiramdaman si Jake. Napalingon s’ya rito ng mapansin na napangiti ito. Magtatanong sana s’ya ngunit pinigilan n’ya ang sarili. Alam n’yang iinisin na naman s’ya nito. Hindi n’ya lubos na maisip kung ano ba ang problema nito sa kanya. Bakit ba siya ang lagi nitong nakikita para asarin. Mukhang natutuwa pa ito na makitang umiiyak siya. Pero para namang baliw dahil inaalo naman siya nito kapag nagsisimula ng umiyak. At kapag may ibang nang-aaway sa kanya ay ipinagtatanggol s’ya nito. Lihim na tumingin ulit siya kay Jake. “May sira kaya ‘to sa ulo?” Kunut-noong tanong niya sa sarili.

Iyak ng isang bata ang bumasag sa kanilang katahimikan. Bago pa makatayo si Narien ay nalapitan na ito ni Jake

“Bakit ka umiiyak?” tanong ni Jake sa bata.

“Hindi ko po makita ang mga kasama ko,” pahikbing sagot ng batang babae.

“Halika umupo ka na lang muna dito,” masuyong inakay ito ni Jake at pinaupo sa tabi ni Narien. “Sandali lang ha.”

Inalo naman ni Narien ang batang babae habang sinusundan ng tingin si Jake. Nakita n’yang bumili ito ng sorbetes.

“Heto oh. Kain ka muna ng ice cream,” nakangiting iniabot nito ang sorbetes sa bata. “Nasaan ba ang kasama mo kanina? Bakit nahiwalay ka sa kanila?”

Bahagyang tumigil sa pag-iyak ang bata at sa paputul-putol nitong pagsasalita dahil sa pagpipigil ng iyak ay naikwento nitong nawala ang kanyang alagang aso at sa kahahanap dito ay s’ya naman ang nawawala.

“’Wag ka mag-alala. Sigurado ako hinahanap ka nila. At makikita ka rin nila dito. Maliit lang naman ‘tong park para hindi ka nila matagpuan,” patuloy na pag-aalo ni Jake.

Maya-maya nga ay may narinig silang pagtawag sa pangalan ng isang babae. “Paula! Paula! Nasaan ka na?”

“Si Albert ‘yun!”, biglang nagliwanag ang mata ng bata. “Albert!” sigaw nito.

Lumingon sa kanila ang batang lalaki. “Paula!” bakas sa boses nito ang kasiyahan sa nakita at tumakbo papalapit sa kanila.

“Paula! Kanina ka pa namin hinahanap.”

Niyakap nito si Paula na nagsimula na namang humikbi.

“Sshh. ‘Wag ka ng umiyak. Andito na ‘ko.”

“Sorry. Pinag-alala ko na naman kayo.”

“Wala ‘yun. Halika na. Nahanap na namin si Tootsie.”

Ngumiti na ulit si Paula. Tumingin ito kay Jake at ngumiti. “Kuya thank you po.”

Nagpaalam din ito kay Narien. “Ate thank you po. Ang swerte n’yo po sa boyfriend n’yo ang bait-bait.”

Bahagyang nagulat si Narien sa sinabi ng bata. Ginantihan na lamang niya ito ng ngiti.

“Ingat kayo ha.” Paalala nila rito pagkatapos na magpaalam ulit sa kanila ang batang babae at lalaki.

Nalingunan ni Narien na tumatawa si Jake.

“Anong tinatawa-tawa mo d’yan?”

“Naalala ko lang tayo nung mga bata pa. Kasing iyakin mo ‘yung batang babae.”

Umismid si Narien. “Ikaw kayabangan mo talaga ‘no?”

“Pero tama si Paula sa sinabi n’yang swerte ka sa ‘ken,” kinindatan pa s’ya ni Jake.

“Pwede ba huwag ka assuming!” pang-iirap ni Narien na tinanaw ulit ang mga batang nagkukulitan sa ‘di kalayuan.

Naisip ni Narien, mabait naman talaga si Jake. Siguro may ibang dahilan kung bakit naiinis s’ya dito. Siguro may iniiwasan s’yang bagay na hindi dapat mangyari dahil natatakot s’ya sa maaaring kahinatnan nito.

##

“Mukhang ok na kayo ni Jake.”

Ngiti lang ang itinugon ni Narien sa pahayag ng kaibigan.

“Aysus. Iba ang kanyang mga ngiti. Lalo na noong nanood tayo ng practice nila kanina.”

“Pwede ba Liz, parang ayoko ng tinutumbok mo.”

“Eh bakit? Ano ba talagang meron?”

Natigil si Narien sa paglalakad at hinarap ang kaibigan.

“Sabihin na nating mas nakilala ko s’ya. At narealize ko na ako rin naman ang talo kapag lagi akong naiinis sa kanya. So let it be. Susunod na lang ako sa flow ng mga nangyayari. But it doesn’t mean na gusto ko na s’ya. Naiinis pa rin ako sa kanya.”

“Sabay ganun?” natatawang komento ni Liz. “Alam mo ikaw. Hindi na ako magtataka kung bigla kang atakihin sa puso. Masyado mong nililinlang ‘yang damdamin mo.”

Taas-kilay na tiningnan ni Narien ang kaibigan. Tinawanan lang s’ya nito at tiningnan ng tinging, “let us see.”

##

“Kayo na ba ni Jake?”

Sanay na si Narien sa mga ganung tanong mula sa kanyang mga kaibigan. Ngunit ang manggaling iyon kay Jerwin, hindi n’ya alam kung papaano ito sasagutin o kung papaano magrereact dito.

“Lagi kasi kayong magkasama at mukha namang compatible kayo,” dugtong pa nito.

“Kami? Compatible? Nagbibiro ka ba? Malabong mangyari ‘yun no. Allergic pa ‘ko sa bakulaw na ‘yun.”

“Sigurado ka? Bakit hindi iyon ang nakikita ko sa inyong dalawa?”

“Ano bang sinasabi mo Jerwin?” naguguluhang tanong niya rito.

“Sa palagay mo, bakit s’ya nagagalit kapag magkasama tayo?”

Sa ibang direksyon nakatingin si Jerwin. At nakita niya kung sino ang tinitingnan nito. Si Jake nakasandal sa sasakyan nito, nakatingin sa kanila at mukhang hindi maganda ang timpla ng mood.

“Sige Jerwin mauna na ako. Mukhang nagmamadali si Jake,” paalam n’ya sa kasama.

“Sige. Mag-ingat ka.”

Nginitian n’ya ito at nagmamadali ng lumapit kay Jake.

##

“’Di ba sabi ko sa ‘yo after class uuwi ka kaagad?” salubong agad ni Jake sa seryosong tono.

“Katatapos lang ng klase namin,” kampanteng sagot ni Narien. “Nagkasalubong lang kami sa hallway.” Pagpapaliwanag ni Narien dahil naramdaman niyang kailangan niyang magpaliwanag.

Sinulyapan lang s’ya ni Jake pagkatapos ay pumasok na ito sa loob ng sasakyan. Pabuntung-hiningang sumunod si Narien.

Pagkasarang-pagkasara niya ng pinto ay agad na umandar ng mabilis ang sasakyan dahilan upang mawalan siya ng balanse. Mabuti na lang at napahawak s’ya agad sa seatbelt.

“Pwede ba dahan-dahan naman! Gusto mo bang mamatay ako?”

Bumuntung-hininga ito. “I’m sorry.”

“Ano bang problema mo?”

Tumingin sa kanya si Jake. “Will you stop seeing that guy?”

“At bakit ko naman gagawin ‘yun?”

“It’s a dare Narien.”

Napatulala si Narien kay Jake. Hindi s’ya makapaniwala sa narinig.

“You’re impossible Jake. Akala ko naintindihan na kita. Akala ko mali lang ako ng iniisip tungkol sa ‘yo,” umismid si Narien. “Oh well, ‘eto ang tandaan mo. Kung gusto mo na asarin ako. Sige lang. Pero hindi ka magtatagumpay. Dahil pagkatapos ng linggong ito, sisiguraduhin kong hindi ka na ulit magkakaroon ng pagkakataon para makialam sa buhay ko.”

“Talaga lang ha?” naghahamong sabi ni Jake. “ Tingnan na lang natin.”

Ngumiti ng ubod tamis si Narien. Hinding-hindi s’ya magpapatalo dito.

##

Lumipas ang mga araw na naging ayos naman ang lahat. Gaya ng utos ng kamahalan, walang Jerwin sa buhay ni Narien habang nasa ilalim s’ya ng kapangyarihan ng dare ni master Jake. Nasasanay na rin s’ya sa sistema na si Jake ang laging kasama. Tama si Liezel. Masaya naman ito kasama. Makulit kahit na mapang-asar talaga.

Masaya na sana nang magkaroon ng bubuyog na sumusunud-sunod sa kanyang master na si Jake.

Si Shine. Kababata din nila ito na lumipad sa ibang bansa ilang taon na rin ang nakararaan. Laking gulat niya ng makita ito at malaman na nagtransfer na ito sa school nila. Hindi n’ya gusto si Shine at alam nito iyon.

Lalo pa s’yang nainis ng nakikisabay ito sa kanila sa pag-uwi. Sa backseat tuloy siya ng kotse umuupo at nagkukunwaring tulog habang ang dalawa ay abala sa pakikipagkwentuhan.

“You know what Rie? I don’t know the reason why you didn’t like me. Have I done something wrong to you?” minsan ay itinanong ni Shine habang nagmemeryenda sila.

“O baka naman, insecure ka sa ‘ken?” dugtong nito ng hindi s’ya sumagot. Tumawa pa ito. “Excuse me. Magreretouch lang ako.”

Hindi makapaniwala si Narien sa sinabing iyon ni Shine. “Wow ha! Ako insecure? Ang ganda n’ya!” nanggigigil na sabi n’ya.

“Hindi ka dapat mainsecure sa kanya.”

Napalingon siya sa nagsalitang si Jake.

“Dahil mas maganda at matalino ka sa kanya,”nakangiting sabi pa nito.

Inirapan lang n’ya ito.

##

Tingin sa malayo. Buntung-hininga. Buklat ng libro. Basa. Basa. Basa. Sulyap. Buklat ng mabilis. Basa. Basa. Tingin ulit. Buklat. Buklat. Buklat.

“Mukhang matindi ang galit mo a. Pati ‘yang libro dinadamay mo.”

Napaigtad si Narien. “Jerwin! Kanina ka pa ba d’yan?”

“Hindi naman.” Umupo ito sa tabi n’ya. Sinipat nito ang tinitingnan niya kanina pa.

“Selos?” tanong nito.

“Hindi a. Bakit naman ako magseselos. Bagay nga silang dalawa,” labas sa ilong na sabi ni Narien.

Ngumiti si Jerwin. “Hanggang ngayon ba hindi mo pa rin magawang maamin na gusto mo s’ya?”

Nagtatakang napatingin si Narien kay Jerwin.

“Oo Rie. Hindi mo kasi nakikita ang kinikilos mo. Pero kung alam mo lang, malaki ang ipinagbago mo mula ng makasama mo ng matagal si Jake. Mas nakikita na kitang nakatawa ngayon. Nakangiti ang mga mata kahit na wala kang sinasabi. At alam ko na masaya ka.”

“Pero ikaw ang gusto ko Jerwin,” sa mahinang tinig ay nagawang sabihin ni Narien.

“Siguro dati ako. Pero ngayon sa isip mo na lang ‘yan. Pero sa puso mo, si Jake na.”

Lumipat ang tingin ni Narien kay Jake. Nakita n’yang wala ang atensyon nito sa kasamang si Shine kundi nasa kanilang dalawa ni Jerwin. Kahit malayo alam n’ya na matalim ang tingin nito sa kanya.

##

“Nakalimutan mo na ba ang pinag-usapan natin?” kompronta ni Jake sa kanya.

“Alin sa mga ‘yun?” pagmamaang-maangan niya.

“Alam mo kung ano ang tinutukoy ko. Nakita ko kayo kanina.”

“Ah ‘yun ba?” balewalang tugon niya. “So? Anong gagawin mo?”

“Iniinis mo ba ‘ko Narien?”

“At bakit? Naiinis ka ba? Actually hinihintay ko na nga ‘yung parusa mo ngayon e. Bakit hindi mo pa ginagawa? Bakit hindi mo pa ipagsigawan ang mga sikretong nalalaman mo tungkol sa akin?” hamon niya rito. “Ano? ‘Di ba ‘yun naman ang gusto mo? Ang makita mong naiiyak ako sa inis dahil sa ‘yo? Alam mo matagal ko ng iniisip kung bakit hindi tayo magkasundo. Kung bakit ayaw ko sa ‘yo. Kung bakit lagi tayong nag-aaway. Iniisip ko kung ako ba ang may problema o ikaw. Pero itinigil ko na ‘yung pag-iisip na ‘yun dahil akala ko ok na tayo. Akala ko lang pala. Dahil kahit kailan hindi tayo magkakasundo. Dahil masyado kang makasarili! Iniisip mo lang ang sarili mo!”

“Nagkakamali ka,” si Jake sa mababang tinig. “Hindi ang sarili ko lang ang iniisip ko.”

“Anong hindi? Nagsasaya ka kasama ang Shine na ‘yun tapos ako? Ni mapalapit sa iba ayaw mo? It’s so unfair Jake! At marahil tama ka! Mali ako dahil akala ko ay hindi ka masama. Nagkakamali pala ako! Dahil ang sama-sama mo!” tinalikuran niya ito.

“Saan ka pupunta?” pigil ni Jake.

“Get off me! It’s none of your business!”

##

Gabi na ng makauwi si Narien. Ilang missed calls din ang nakita n’ya sa kanyang cp. Marahil nag-aalala na ang kanyang mga kaibigan at kung anu-anong alibi na ang naiisip ng mga ito para hindi s’ya hanapin sa kanila.

Pagkapasok sa gate ay saka naman lumabas ng bahay si Jake. Kapwa sila natigilan sa paglalakad. Nagkatinginan. Nagpakiramdaman. Ngunit walang nagsalita sa kanila.

Tungo ang ulong nagpatuloy sa paglakad si Narien. Pilit na iniignora ang presensya ni Jake.

“Narien,” mahinang sabi ni Jake nang magkalapit sila. “I’m sorry sa nagawa ko.”

Tumigil si Narien ngunit hindi ito nilingon. Narinig niya ang pagbuntung-hininga nito.

“I’m sorry,” ulit nito. “Naging selfish ako. Hindi ko namalayan na nasasaktan na pala kita. Ang galing mo kasing umarte. Noong una akala ko ok lang sa ‘yo. Pero ginawa ko lang naman ‘yun dahil..”

Hindi pa rin umiimik si Narien. Naghihintay lang s’ya sa kasunod na sasabihin nito.

“Sa totoo lang, hindi ko alam kung bakit ko ba ‘yun nagawa,” bahagyang tumawa si Jake. “Ang natitiyak ko lang, masaya ako kapag kasama ka Narien. Kaya nagpapasalamat ako sa mga panahon na nagkasama tayo. Sapat na ‘yun para sa ‘ken. Kaya simula ngayon, hindi ko na muling guguluhin pa ang buhay mo. Hindi na kita iinisin pa. Sana mapatawad mo ako Rie. Paalam.”

Panandaliang katahimikan ang namayani sa kanilang dalawa. Pinakiramdaman s’ya ni Jake. Ngunit hindi pa rin niya ito tinitingnan. Hanggang sa maglakad na ito papalayo. Gusto n’yang kausapin ito. Gusto n’yang sabihin na masaya din s’ya na kasama ito. Na gusto lang naman n’yang malaman kung bakit ganun ito sa kanya. Ngunit hindi n’ya ito magawa. Tila naubos na ang lakas niya kanina sa pag-iyak. Nagawa din niyang lumingon at natanaw ang papalayong si Jake.

“Jake..” ang tanging nabigkas ni Narien. Naramdaman niya ang pangingilid ng luha sa kanyang mga mata.

##

Sana lahat ng bagay sa mundong ito ay parang Truth or Dare na laro. ‘Yun bang tatanungin ka kapag truth ang pinili. At pagkatapos mong masagot ito ay ok na. Wala ka ng dapat na ipaliwanag pa dahil simple lang naman ang tanong at ang sagot. O kung dare naman ay gagawin mo lang ang iuutos sa’yo at pagkatapos ay simula na ulit sa dati. Ganun lang kadali. Ganun lang kabilis ang pangyayari.

Ngunit hindi ganun sa reyalidad. Minsan akala natin ayos na ang lahat. Na nasagot na ang mga katanungan sa mga pangyayaring hindi natin maintindihan. Ngunit hindi pa pala. Dahil kahit na nagkaroon na ng katapusan sa isang pangyayari at nasagot na ang ilan sa mga tanong, may panibagong mga katanungang nagsisimula na namang mabuo. At kadalasan ang mga ito ang mahirap na sagutin. Dahil may mga bagay na pumipigil para mahanap ang kasagutan sa mga ito.

Tatlong araw ang mabilis na lumipas. Tatlong araw na walang Jake na na gumugulo sa araw ni Narien. Dapat matuwa na s’ya dahil unti-unti nang tumatahimik ang buhay niya. Si Jake na kasi mismo ang lumalayo sa tuwing magkikita sila. Para ngang hindi s’ya nito nakikita dahil kahit pagpansin sa kanya ay hindi na nito nagagawa. Gusto man n’ya itong batiin ay nagdadalawang-isip s’ya. Baka kasi mapahiya lang s’ya dito kapag dinedma s’ya.

Tatlong araw. Aminado s’ya. Namimiss din n’ya ang kakulitan nito. Wala sa loob na napabuntung-hininga si Narien.

“Ang lalim naman nun. Iniisip mo na naman s’ya no?” untag ng katabi n’yang si Jane.

Tipid na ngiti lang ang itinugon niya. Nagtawanan ang kanyang mga kaibigan at sinimulan na naman s’yang tuksuhin. Katulad ng dati, andito na naman sila sa bahay nila. Naglalaro ng “truth or dare”, ngunit wala ang atensyon n’ya sa larong ito.

“Alam mo Rie, kung mahal mo bakit hindi mo sabihin?” tanong ni Liezel.

Napailing si Narien. “Bakit pa? Para inisin na naman n’ya? Para pagtawanan n’ya? Hindi na no! At saka, hindi na naman n’ya kailangang malaman pa kung anong nararamdaman ko.”

“Papaano mo malalaman ang kasagutan kung hindi mo sasabihin ‘di ba? Malay mo may ipagtapat din s’ya sa’yo,” si Karen iyon na kumindat pa.

“Ok lang,” ngumiti si Narien. “Masaya na ‘ko. At alam ko may nagpapasaya naman sa kanya ngayon.”

“Sino? Si Shine?” nakaarkong kilay na tanong ni Jane. “Asus. Selos ka lang. Ni hindi na nga ‘yun pinapansin ni Jake ngayon.”

“Whatever!” umismid si Narien. “Pwede ba tigilan n’yo muna ako. Maglaro na lang ulit tayo.”

Ipapaikot na sana ni Narien ang bote ng may nagsalita sa may likuran niya.

“Pwede ba ulit akong sumali?”

Natigilan si Narien. Nagkangitian naman ang tatlo niyang kaibigan na parang kinikilig pa. Lumayo ng kaunti si Jane sa kaniya para makaupo si Jake. Lalo tuloy hindi n’ya magawang iikot ang bote.

“Anong nangyari Narien? May glue na ba ang kamay mo?” tanong ni Jake ng mapansin na nanatili lang na hawak niya ang bote para iikot.

“Ah wala. Hinintay lang kita na pumwesto,” kinakabahang paliwanag niya. Umakma siyang iiikot na ito ngunit pinigilan ni Jake ang kanyang kamay. Masuyo nito iyong hinawakan.

“Jake,” ang tanging nasambit ni Narien.

“Nasabi ko na ba sa’yo Narien na ikaw ang pinakamagandang babae na nakilala ko?” tanong ni Jake.

Nagkamali ‘ata si Narien sa desisyon na tingnan ito dahil para s’yang matutunaw sa mga tingin nito. Gusto man n’yang alisin ang tingin dito ay parang magneto ang mga mata nitong humihigop sa kanyang paningin.

“Ok ka lang ba?” tila mabubulol na sabi n’ya dito. Ngumiti lang si Jake na nagpalukso sa puso niya.

“Matagal kong pinangarap na magkausap tayo ng ganito. Na hindi mo ako sinusungitan habang hawak ko ang mga kamay mo. Dati kasi ang alam lang nitong gawin ay ang suntukin ako para masaktan,” biro ni Jake sa kanya.

“Ang kapal mo talaga,” akmang manghahampas na sana si Narien ngunit hindi n’ya maalis ang mga kamay n’yang hawak ni Jake. Napatawa na lamang s’ya.

“Pero alam mo Rie. Narealize ko. Magagawa kong tiisin ang pananakit ng mga kamay mo sa akin. Dahil mas masakit pala ang hindi ka makausap sa isang araw.”

Nawala ang ngiti ni Narien.

“Hindi ko na siguro kailangan ng truth or dare para sabihin ang mga bagay na dapat ay noon ko pa sinabi sa’yo,” seryosong sabi ni Jake. “I’m sorry Narien. Naduwag lang ako dahil alam kong may iba kang gusto. I’m afraid of rejection. Alam mo ‘yan. At alam ko sa sarili ko na naiinis ka sa’ken at tatawanan mo lang ako kaya sinarili ko na lang.”

“Ang alin?” tanong ni Narien.

“’Yung dare Narien. Ang totoo n’yan, gusto lang talaga kitang makasama. Dahil..” huminga ng malalim si Jake at tumingin sa mga mata niya. “Mahal kita Narien. Sapat na ba ‘yung dahilan para sa nagawa ko? Pinagsisisihan ko na nasaktan kita. Pero ang mahalin ka, kailanman ay hindi ko iyon pagsisisihan.”

Hindi malaman ni Narien ang sasabihin. Mahal siya ni Jake! Totoo ba ito? Nagawa niyang kumawala sa pagkakahawak ni Jake at wala sa loob na sinampal ito.

“Aray!” sapo ni Jake ang pisnging nadapuan ng palad ni Narien na agad na namula. “Ayan ka na naman Rie! Hindi mo na nga ako mahal, nananakit ka pa!” parang batang reklamo nito.

Natawa lang si Narien.

“Sinisigurado ko lang na totoo ka,” tiningnan niya ang kamay niyang pinangsampal dito. “In fairness Jake, ang tigas ng mukha mo. Ang sakit!” Sinundan niya ito ng malutong na tawa.

Tumigil siya sa pagtawa at inilapit ulit sa mukha nito ang kamay. Natatakot na inilayo ni Jake ang ulo na ikinatawa ni Narien.

“Sira ka talaga!” hinawakan na lang niya ito sa kamay. “Papaano kung mahal ka rin ng taong mahal mo? At pareho lang kayong natatakot na mareject?”

Nagtatanong ang mga tinging ibinigay ni Jake kay Narien. Masuyong hinawakan ni Narien ang namumula pa ring pisngi ni Jake.

“Narealize ko. Ang mga takot natin. Ang mga insecurities. Sila ang mga nakakabulag sa atin para hindi makita at maramdaman ang mga bagay na mas mahalaga. Dahil sa kanila, nasasayang ang mga pagkakataon na maging masaya tayo sa piling ng mga mahal natin. Naduwag ka. Natakot ako. ‘Yun pala pareho lang tayo ng nararamdaman,” ngumiti ng matamis si Narien. “Nung magkasama tayo, noon ko narealize na gusto ko si Jerwin. At ikaw ang mahal ko.”

Hindi nakaimik si Jake. Tila ninanamnam pa nito ang mga sinabi ni Narien. Halatang hindi makapaniwala sa narinig. Ang irit ni Jane ang nagpabalik sa kanila sa katinuan.

“Oh my goodness! Nakalimutan nilang nandito tayong tatlo! Shocks! Tinalo pa nila ang movie na “One More Chance”! Palong-palo oh. Para akong nanonood ng free movie!”

Nagkatawanan silang lahat.

“Magkainan na nga lang tayo. ‘Wag na tayong maglaro,” tumayo na si Liezel at naunang naglakad papuntang kusina. Sumunod na nagtayuan sila Karen at Jane.

Nagkatinginan si Jake at si Narien. Ngumiti sila sa isa’t-isa at magkahawak-kamay na sumunod sa mga kaibigan. Bago tuluyang makapasok ay sinulyapan ulit ni Narien ang bote na hinayaan nilang nakahiga sa lugar na pinaglalaruan nila. At sumungaw ulit ang kanyang ngiti sa labi nang maalala ang mga nangyari sa kanila. Sino nga ba ang mag-aakala na sa isang laro magsisimula ang isang magandang pagbabago sa kanyang buhay?

(from tumblr.com)
(from tumblr.com)

###

A story written on year 2007.

Mhey ❤

Advertisements

10 thoughts on “Truth or Dare”

    1. hahahah.. natawa ako dun.. PHR presents talaga? hahahah..
      SOON pa yan.. 😛
      ngkataon lang na mahahaba talaga ako gumawa ng mga kwento.. ^_^
      thanks sa pagdaan.. Godbless.. ^_^

  1. para akong nagbabasa ng precious romance 🙂 tama ba?

    magaling kang magsulat, sa una pa lang nakita ko na ang tumbok ng kwento pero ang pumapaibabaw sa akin ay ang mga realization. Kelangan pang masaktan o mawala para lang mareialize ang ang importansya ng isang bagay o tao. kung iuugnay sa ating buhay at sa lipunan o sa kalikasan, maaring maging huli ang lahat bago pa natin malamn ang importansya nito 🙂

    magandang sulatin.. mahusay po maam 🙂

    1. hello.. 🙂
      precious romance.. malapit-lapit na ko sa ganyan sir.. hahahah.. sadyang mahahaba lang talaga ako gumawa ng mga kwento.. 🙂
      salamat po sa papuri.. ^_^ actually noong una ko itong ginawa puro pa-tweetums lang kasi bata pa ako nun.. hahah.. ngayon ko lang nsingitan ng mga realizations.. nakagawian ko na kasing mgsulat ngayon ng kahit anong story.. comedy, drama, love story na may mga lessons na makukuha.. ^_^

      salamat sa pagbisita.. ^_^
      Godbless po.. 🙂

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s