Karma - Dreams and Journey, SERIES

Ang Pagsisimula: Ako at ang Kahapon

“Sadya bang hindi pantay-pantay ang mga tao?
Gaya ng ating mga daliri na hindi magkakapantay?
Mayroong mga naka-aangat at may mga naaapi.
Ngunit hindi ba maaaring maging pantay-pantay na lang ang lahat sa paningin ng tao?
Dahil sa Panginoong Diyos naman ay pantay-pantay lamang tayo.”

“’Di ba sabi mo sa akin mahal mo ako?” tiningnan ko sa mga mata si Arman. Pilit kong binabasa kung ano man ang maaaring nasa isip n’ya.

“May problema ba?”, sa halip ay tanong niya.

Humugot ako ng malalim na buntunghininga bago ko sabihin sa kanya ang kahapon pa gumugulo sa aking isipan.

“Ipapadala ako sa Canada ni papa.”, mahinang sabi ko.

Blangko ang ekspresyon ni Arman. Subalit nakita ko na ikinuyom n’ya ang kanyang kanang kamay.

“Kailan?”, tanong nito sa mahinang tinig.

“Sa susunod na buwan. Inayos na n’ya ang mga papers ko. Naayos na pala nila ni tita matagal na.”

“Anong balak mo?”, sunod na tanong n’ya habang matiim na nakatingin sa akin.

 “Ayokong umalis. Kapag umalis ako, alam kong hindi na ako pababalikin dito.”

“Alam ko.”, narinig ko ang kanyang pagbuntung-hininga. “Ayaw talaga sa akin ng papa mo.”

 “Pwede naman tayong umalis eh.”, sabi ko sa kanya. “Pwede tayong magtanan.”

 Nabigla sya sa suhestyon ko. Pero iyon lang ang tanging paraan na nakikita ko para hindi kami magkalayo.

“Arman, tapos na ako mag-aral. Matutulungan kita sa paghahanapbuhay. Hindi naman ako magastos katulad ng iba. Alam mo ‘yun ‘di ba? Na hindi ko ginagamit ang karangyaan ng buhay namin. At handa akong iwan ang kung anong meron ako makasama ka lang.”

“Pero Karla.”, sambit nito na nakatingin lang sa akin.

Alam ko na ayaw n’ya sa suhestyon ko. Malaki ang pangarap ni Arman para sa akin, para sa aming dalawa. Nagsusumikap siya, nagpapakasipag lalo, habang unti-unting binubuo ang aming mga pangarap.

“Mahal mo ako ‘di ba?”, ulit ko sa sinabi ko kanina.

“Mahal kita Karla. Kaya nga hindi kita masagot. Mahal kita kaya iniisip ko ang kinabukasan mo. Hindi ko gusto na mahirapan ka. Alam ko kung gaano kahirap mamuhay sa mundong ito. At ipinangako ko sa sarili ko na hindi ko ipaparanas sa iyo at sa magiging mga anak natin ang hirap na naranasan ko. Hindi ko tatanggalin sa ‘yo ang ginhawa na tinatamasa mo ngayon.”

Tumigil s’ya at lumapit sa akin. Umiiyak ako. Nararamdaman ko ang paglandas ng luha sa aking mga pisngi.

“Karla. Mahal kita. Kakausapin ko ang papa mo. Lalo lang n’ya tayo paglalayuin kapag ginawa natin ang gusto mo.”

“Pero ‘yun lang ang tanging paraan! Kapag sumama ako sa ‘yo, hindi ako sasama sa kanila pag nakita nila tayo.”, hinawakan ko ang kanyang kamay na humawak sa aking pisngi upang pahirin ang aking mga luha.

Desidido na ako sa desisyon ko. Handa na akong lumayo, makasama lang ang aking pinakamamahal.

***

 “Alas-nuebe ng gabi. Sa dating tagpuan. Magkita tayo.”

Lumabas ng bayan si papa at mama kaya madali kong naiayos ang lahat.

Kanina ay parang gusto kong umurong habang nililibot ko ang aming buong kabahayan. Mahal ko ang si papa at si mama. Punung-puno ng pagmamahalan ang bawat sulok ng kabahayan na ito. Ngunit sadyang mahigpit si papa. Sobra ang pagprotekta n’ya sa akin pagkatapos mamatay ng aking nakatatandang kapatid sa isang aksidente, habang nakikipaglaro ito sa mga bata sa kabukiran.

Hindi naman nagbago ang pakikitungo ni papa sa mga trabahador ngunit napapansin na hindi na n’ya ako hinahayaang makipaglaro sa ibang mga bata. Maliban na lang kung sasadyain ako sa aming bahay na kakaunti lang ang nakakapasok. O kung makapasok man ay saglit lang.

Gayunpaman, mahal ko si papa. At ang aking mama na napakamaunawain.

Gusto kong umurong ngunit ng maalala ko si Arman, nagawa kong iempake ang aking mga gamit at ituloy ang nagawa kong plano.

Para sa pag-ibig. Para sa aking kaligayahan.

Kanina pa ako nakasandal sa puno ng mangga.

Napakadilim na.

Sinipat ko ang oras mula sa aking relos na natatamaan ng liwanag ng buwan.

8:53 pm. Ilang minuto na lamang alas-nuebe na.

Nakaramdam ako ng kaba.

Baka tuluyan ng nagbago ang isip ni Arman.Hindi naba n’ya ako sisiputin?  Uuwi ba ako ng luhaan sa aming bahay?

8:58. 

Napa-upo ako. Yakap ang teddy bear na ibinigay sa akin ng aking papa noong bata pa ako.

Mali ba ang aking naging desisyon?

8:59

9:00

9:01

“Karla.”

Umangat ang aking paningin. Si Arman!

“Akala ko hindi ka na darating.”, mangiyak-ngiyak na sabi ko.

Ngumiti s’ya.

“Kanina pa ako dito. Hindi pa man lumulubog ang araw nakabantay na ako. Nagbabakasakali din na magbago pa ang isip mo, pati na ang papa mo.”

Nahimigan ko ang lungkot sa kanyang boses.

“Pinakaba mo ako.”, tanging nasabi ko.

“Kaya nga nilapitan na kita kasi alam kong iiyak ka na naman.”

Tukso n’ya sa akin. Pagkatapos ay sumeryoso.

“Karla.”, hinawakan n’ya ako sa magkabilang pisngi. “Mula ngayon, gusto ko na maging matatag ka. Pinili natin ang ganito. Kaya ayoko na manatili kang iyakin. Hindi ko maipapangako sa ‘yo ngayon ang buhay na masagana. Pero pangako, hindi ako ang magiging dahilan ng pagluha mo kung sakali man na masaktan ka at kailangan mong umiyak. At pangako na gagawin ko ang lahat para guminhawa ang buhay natin sa hinaharap.”

Tinitigan ko s’ya at tumango.

Naiintindihan ko s’ya. Hindi ako iiyak. At hindi ko ito pagsisisihan.

***

“Ilang taon ka na ‘ba ineng?”

Napatigil ako sa paglalaba at tiningnan ang may edad ng babae na umupo sa malapit sa akin.

“21 po.”, nakangiting sabi ko.

“Bata ka pa pala. Alam ba ng mga magulang mo na nandito ka?”, tanong pa nito.

S’ya si nanay Belen. Ang may-ari ng inuupahan naming apartment ni Arman. Kakilala s’ya ng tiyuhin ni Arman na s’yang nagrekomenda nito sa kanya.

Mabait si Nanay Belen. Naalala ko sa kanya ang naging yaya namin ni ate nung maliit pa kami. Mga panahon na abala din sa hanapbuhay ang aming mama.

“Wag mo masamain ang pagtatanong ko sa ‘yo ineng. At huwag mong isipin na nangingialam ako sa buhay n’yo. ‘Yun nga lang, may mga anak din ako. At bilang isang magulang, hindi ko gusto na maranasan ng kahit na sinong anak ko ang mahirap na buhay. Mahirap dahil walang basbas ng magulang ang kanilang ginagawa.”

Nakita kong napatingin s’ya sa kamay ko.

Nahihiya akong itinago ang mga ito.

Tatlong araw pa lamang kami dito. At kagabi, nakita ni Arman ang mga nagsusugat kong mga kamay na hindi sanay sa mabibigat na mga trabaho. Nakaramdam tuloy ako ng konsensya ng makita sa mukha nito ang galit sa sarili.

“Tanan ‘di ba?”, tanong ngunit tiyak na sabi ni nanay Belen.

Marahan akong tumango.

 “Ang mga bata talagang ito. Pabigla-bigla.”, komento na lamang nito.

Saglit na katahimikan ang namayani.

“May kaibigang abugado ang anak ko. Kailan n’yo ba balak magpakasal?”, tanong nito pagkaraan.

Nakatingin lang ako kay nanay Belen.

Kasal.

Naisip ko si Arman. Wala pa s’yang nababanggit sa akin na plano tungkol sa kasal.

***

“Kamusta ang byahe mo?”

“Ayos lang naman. Maulan ngayon kaya medyo mahirap ang byahe. Mabilis bumaha ang mga kalsada sa ngayon.”

Iniabot ko sa kanya ang kanyang pamalit.

Bahagya akong namula ng makita kong hinubad niya ang kanyang suot na pang-itaas.

Natigilan naman ito ng abutin sa akin ang sando at nagbihis ng nakatalikod.

Isang linggo na kaming nakatira sa iisang bubong. Mahirap man paniwalaan ngunit wala pang nangyayari sa aming dalawa ni Arman. Para lamang kaming naglalaro ng bahay-bahayan. Kulang na nga lang, ipakilala namin bilang magkapatid ang isa’t-isa.

Alam ko naman ang dahilan. Dahil hindi pa kami kasal.

Pero ayoko namang simulan ang usapan tungkol dito. Hahayaan ko na siya ang magbukas ng usapan. Ang mahalaga, magkasama kami ngayon.

“Arman, inalok nga pala ako ng trabaho ni ate Bhevs, yung may asawa na anak ni nanay Belen. Kailangan daw kasi nila ng office staff.”

Nabasa ko sa kanyang mukha ang “Ginugutom ba kita?” na tanong kaya agad akong nagpaliwanag.

“Di ba sinabi ko din naman sa ‘yo na tutulong akong maghanapbuhay?”, depensa ko agad. “At para makapagpalabada na lang din ako kasi ayaw mong naglalaba ako ‘di ba?”

Tumingin s’ya sa mga kamay ko.

Makaraan ang ilang sandal ay nagsalita na rin ito.

“Kailan?”

“Magstart na ko sa lunes.”

Nabigla s’ya sa sinabi ko.

“Magsisimula ka na agad? Akala ko ba mag-aapply ka pa lang?”, tanong niya na ikinatungo ko.

“Kinuha na ni ate Bhevs ang resume ko kahapon. Tapos kanina tinawagan ako ng boss n’ya. Kailangan kasi talaga nila kaya hinire na agad ako.”, sa mahinang tinig ay paliwanag ko.

Narinig ko ang malalim n’yang buntong-hininga. Tumingin ulit ako sa kanya.

“Anong oras ang pasok at ang uwi mo?”

“8 to 5 kami. Makakapagluto pa naman ako bago ka dumating.”

“Hindi na. Susunduin kita. Hindi mo pa kabisado ang lugar dito. Baka maligaw ka pa.”

Hindi na ako kumontra pa. Ang mahalaga ay pumayag na s’ya kahit na alam kong hindi n’ya gaanong gusto na magtrabaho ako.

***

Bago ko ipinasya ang mga bagay na ito, naisip ko naman ang mga maaari kong kaharaping mga problema. Inihanda ko na ang sarili ko sa kung anuman na pwede kong maranasan. Ngunit hindi ko inaasahan na isa ang mga ito sa mga pwedeng makasakit sa akin.

Nagkaroon na ako ng trabaho. Akala ko magiging mas maayos na ang lahat. Noong una ay ok pa naman kami ni Arman. Hanggang sa maramdaman ko na parang may mga nagbabago.

“Susunduin pa ba kita mamaya?”, sa aming pag-aalmusal ay tanong niya sa akin.

“May pupuntahan ka ba?”, tanong ko naman sa kanya.

“Wala. Baka kasi gabihin ulit ako at mainip ka. Makisabay ka ulit sa ibang nagmamalasakit sa iyo. Pasensya na ah. Nasiraan kasi kahapon ang taxi driver mong boyfriend.”

Nagtatanong ang mga matang tumingin ako sa kanya.

Madiin ang pagkakabigkas n’ya sa mga salitang binitiwan. May laman ang mga ito.

“Halika na. Baka mahuli ka pa.”, sabi nito bago pa ako makapagtanong.

Kaunting di pagkakaunawaan lamang ang nangyari.

Dati na namang nangyayari sa amin ito ngunit hindi pa rin maalis sa isip ko ang mga ganito. Hindi kasi ako sanay na nagkakahiwalay kami ni Arman na malabo sa amin ang isang bagay. Kaya napansin ni ate Bhevs na wala ako sa sarili ng araw na ‘yun. Nakatitig lang ako sa monitor ng computer ngunit walang nagagawa.

“Away mag-asawa?”, nakangiting tanong sa akin ni ate Bhevs habang sabay kaming kumakain ng tanghalian.

Ngumiti ako ng pilit.

“Hindi pa po kami mag-asawa ate.”
“Ay oo nga pala.”, sabi nito. “Bakit nga ba ayaw nyo pang magpakasal?”

Nagkibit-balikat ako. Isa rin ‘yun sa mga bagay na gustong-gusto ko ng pag-usapan namin ni Arman.

Tiningnan lang ako ng makahulugan ni ate Bhevs.

Hindi lingid sa kanyang kaalaman ang istorya namin ni Arman. Palagay na ang loob ko sa kanila ni nanay Belen kaya hindi ako naglihim.

Alam nila na galing ako sa isang mayamang pamilya. Na ako ang nag-udyok kay Arman na magtanan kaming dalawa. Na hindi gusto ni papa ang isang mahirap na katulad ni Arman na nagtatrabaho lamang sa isang talyer sa barangay namin. Ngunit maykaya naman noon sila Arman. Nakapag-aral ito ng kursong civil engineer, na natigil lang pagtuntong ng ikatlong taon dahil nagkasakit ang ama nito na mag-isa na lang na bumubuhay dito at sa isa pang nakababatang kapatid. Kinailangan nitong huminto ng pag-aaral at magtrabaho na lamang ng mamatay ang ama, upang mapag-aral ang kapatid. Sa ngayon ay tapos na ang kapatid nito at kasalukuyan na ring nakikipagsapalaran dito sa Kamaynilaan.

Gayunpaman, hindi makita ni papa kay Arman ang mga magagandang katangiang nakikita ko dito. Nabulag s’ya ng proteksyong ibinibigay n’ya sa akin.

“Nagalit ba sya kahapon?”

Bumalik kay ate Bhevs ang atensyon ko.

“Kasama naman ako ng inihatid ka ‘di ba? Wag naman n’yang masamain ‘yung paghatid ni Sir Gio. Although napapansin ko na parang gusto ka nga ng tao.”

Pinandilatan ko si ate Bhevs at tumingin-tingin ako sa paligid. Baka kasi may ibang makarinig.

“Bakit? Totoo naman ah?”, nandidilat din na tanong niya sa akin. “Kung babagal-bagal yan si Arman mo, malamang maaari ka pang maagaw ng iba. Lalo na kung totoo ang sinabi mong wala pang nangyayari sa inyong dalawa hanggang ngayon kasi hindi pa kayo kasal.”

“Ate Bhevs! Wag ka maingay.”, kulang na lang ay pisilin ko s’ya.

Tumawa lang ito. Sabay sabing, “Ikaw naman. ‘Di na mabiro.”

At pagkatapos ay sumeryoso ulit.

 “Selos. ‘Yun lang naman ang ugat ng kalimitan sa mga awayan.”, paliwanag ni Bhevs. “At may kasama na ring insecurity.”

Nahulaan n’ya ang pagtatanong na gagawin ko kaya nagpatuloy s’ya.

“Taxi driver nga lang naman s’ya ‘di ba? Samantalang ikaw nag-oopisina ka. Tapos may kasama ka pa dito na lalaking kung tutuusin ay mas babagay sa ‘yo kaysa sa kanya. Mas magiging maayos ang buhay mo at mas magiging maligaya ka.”

“Magiging maayos, oo. Pero mas magiging maligaya? Hindi ate Bhevs.”, marahan akong umiling. “Maligaya na ako sa kung anuman ang meron kami ni Arman ngayon. Nakaya kong mamuhay ng malayo sa pamilya ko. Na akala ko dati ay hindi ko magagawa. Hindi ako nakaramdam ng lungkot. Ngayon lang siguro. Pero alam ko naman na may kasalanan din ako kaya kami nagkakaganito. Pero ate Bhevs, kay Arman lang ako liligaya dahil s’ya ang mahal ko.”

Hinawakan ako ni Bhevs sa kamay.

“Alam ko.”, nakangiting sabi n’ya. “Kaya nga ayusin nyo ‘yan. At nandito lang kami ni nanay kung sakaling kailangan n’yo ng tulong namin.”

“Salamat ate.”, nakangiting tugon ko.

***

Ilang hakbang na lang para makarating sa aming bahay.

Muntik ko ng maisumpa ang naging byahe ko kanina. Pakiramdam ko sobrang traffic kanina. Gusto ko na ngang liparin ang pauwi sa bahay namin mula sa kinauupuan ko kanina sa jeep.

Nagmamadali ako.

Kung nalaman ko lang ng maaga ay nag-undertime sana ako. Pero nahuli pa ako ng uwi sa paghihintay ko sa sundo.

‘Yun pala hindi makararating ang sundo ko dahil may sakit ito.

Napalitan ng pagkataranta ang kaba na naramdaman ko kanina habang naghihintay sa labas ng opisina namin. Isang oras na kasi ang lumilipas, wala pa si Arman. Mabuti na lamang at tumawag si nanay Belen at sinabing may sakit si Arman at inihatid sa bahay ng isang kasamahan.

Lakad-takbo ang ginawa ko hanggang sa makarating ako sa bahay.

Nadatnan ko si nanay Belen sa kusina namin na nagluluto.

“Pasensya na anak at pinakialaman ko na ‘tong kusina ninyo.”, sabi n’ya pagkakita sa akin.

“Ok lang po ‘nay.”, sabi ko habang nagmamano sa kanya.

“Nasa kwarto si Arman.”, sabi ni nanay na may ibig sabihing puntahan ko na ito.

Tumango lang ako at pumasok na ng marahan sa kwarto.

Nakita ko si Arman na payapang natutulog. May nakapatong na bimpo sa noo nito.

Nilapitan ko s’ya. Marahang idinampi ko ang aking kamay sa kanyang noo. Tuyo na agad ang bimpo. Napapailing na kinuha ko ito at binasa ulit ng tubig na nasa palangganang nakapatong sa mesa.

“Mataas ang lagnat n’ya kanina. Mabuti nga at medyo humupa na pagkainom n’ya ng gamot.”

Si nanay Belen iyon na sumunod din sa akin.

“Salamat po ‘nay.”

“Naulanan ‘yang batang ‘yan kanina kaya nagkasakit. Ang masama pa kung nagpalipas ng gutom.”, sabi pa nito.

Maingat kong inilagay ulit sa noo ni Arman ang bimpo.

“Kumain ka na Karla. Baka naman ikaw ang magkasakit sa susunod. Mahirap na. Nandyan sa mesa ang gamot ni Arman. Every 4 hours painumin mo s’ya ng gamot. Sige, maiwan na muna kita anak. Katok ka lang kapag may problema.”

“Opo ‘nay. Maraming salamat po.”

Sinamahan ko si nanay Belen sa labas, pagkatapos ay binalikan si Arman.

Nakita ko ang mga damit at gamit n’ya na nasa isang upuan. Kinuha ko iyon at niligpit.

Tinitigan ko ang mga damit n’ya. Hindi ko inuusisa ang mga gamit n’ya dahil hindi pa kami kasal. Nilalabhan ko lang ang mga damit n’ya. Pero si Arman pa rin ang nagtatanggal kung anuman ang nasa loob ng kanyang bulsa.

Ngunit ngayon, wala naman sigurong masama kung ako ang magliligpit ng mga iyon.

At siguro dahil parang may nagtutulak sa akin para tingnan ang mga gamit n’ya.

May matigas na bagay sa bulsa ng kanyang pantalon.

Kinakabahan na naman ako habang kinukuha iyon.

At halos tumalon ang puso ko ng makita kung ano iyon.

Isang kahita ang nakuha ko.

At napaluha ako ng makita ang laman nito.

Muli kong nilapitan si Arman. May hinala na ako kung bakit sya nagkasakit.

Gusto ko s’yang pagalitan dahil nagpabaya s’ya kanyang sarili.

At isa pa, gusto ko s’yang pagalitan dahil ginawa pa n’ya akong malungkot gayong naiisip din pala n’ya ang bagay na matagal ko ng iniisip. Maaari naman n’yang sabihin sa aking pinaghahandaan na n’ya ang tungkol dito.

Maingat kong isinara ang kahita at inilapag iyon sa mesa.

Nararamdaman ko ang pagkalam ng sikmura ko.

Ngunit hindi ko ‘yun iniinda. Dito lang ako sa tabi ni Arman. Babantayan ko s’ya. Hanggang sa s’ya ay gumaling.

Alam ko na gusto n’ya na ako ang makita pagmulat ng kanyang mga mata.

***

Mabilis na nangyari ang lahat.
Parang isang kisap mata lang.
O sadyang iyon marahil ang tinatawag na mahika ng pag-ibig.

Sa loob ng isang linggo ay naisaayos ang aming kasal.

Simple lamang ito na dinaluhan ng ilan naming mga naging kaibigan sa loob ng ilang buwan naming pamamalagi dito sa Maynila.

Dumating din ang kapatid ni Arman at ang tito nito.

Masaya ang lahat. Ngunit ng maalala ko ang papa at mama ko ay bahagya akong nalungkot.

Naisip ko, sana, kasalo ko din sila sa isa sa pinakamasayang araw sa buhay ko.

 Ngunit sadyang ganun ang buhay. Hindi perpekto. Hindi mo makakamit ang lahat ng gustuhin mo.

 Ngunit nananalangin ako na sana, dumating ang panahon na matanggap kami ni papa.

Lalo na para sa darating nyang apo.

Halos mag-dadalawang taon na rin ang lumipas. Isa’t kalahating taon na kaming kasal ni Arman. At kabuwanan ko na sa aming panganay. Ngunit hanggang ngayon ay hindi ko pa ulit nakikita si papa at si mama. Wala rin akong balita sa kanilang dalawa. Kung hinahanap ba nila ako o hindi.

Sa ngayon ay mas maayos na ang buhay namin ni Arman.

Kasama s’ya ngayon ng arkitektong asawa ni ate Bhevs. Kahit papaano ay nagagamit niya ang kanyang pinag-aralan at nagpaplano s’ya na ipagpatuloy ang pag-aaral pagkalabas ng aming panganay.

Marami man kaming pagsubok na kinaharap, lalo lamang itong nagpatibay sa aming pagsasamahan. Salamat na rin sa mga taong laging nasa tabi namin sa tuwing nangangailangan kami ng tulong.

“Karla! Anak! May naghahanap sa iyo.”, tawag sa akin ni nanay Belen.

Kasalukuyan akong nasa bahay nila nanay Belen sa kagustuhan na rin niya para mabantayan ako ngayong kabuwanan ko.

Mabagal ang naging paglabas ko sa kadahilanang nahihirapan na rin ako maglakad.

“Sino po bisita ko nanay?”, nakangiting tanong ko paglapit sa salas.

Nawala ang ngiti ko ng makita ang mga “bisita” ko.

“Papa? Mama?”

Iyon lang ang nakuha kong sambitin.

Hindi ko na rin nadugtungan pa dahil nilapitan ako ng aking mama at niyakap ako ng mahigpit.

“Karla. Anak ko.”

Umiiyak si mama. At naramdaman kong gusto ko na rin umiyak. Ngunit napipigilan ko dahil nakatingin si Papa. Ayaw ni papa sa iyakin.

“Kamusta ka na anak.”, tanong ni mama matapos n’ya ko yakapin. “Ang laki na ng tyan mo ah. Ilang buwan na ‘yan?

“Kabuwanan ko na po mama.”, nakangiting sabi ko.

“Tamang-tama pala ang pagpunta namin. Makikita namin ang aming apo.”, tuwang-tuwa na sabi ni mama.

Nilapitan ko si papa. Gusto ko s’yang yakapin. Handa akong tanggapin ang pagbubuhat ng kamay na pwede n’yang ibigay sa akin. Kausapin n’ya lang ako at mapatawad.

“Papa.”, mahinang tawag ko. Nagpipigil pa rin na lumabas ang mga luha.

Tumingin lang s’ya sa akin. Lumapit si mama at hinawakan sa braso si papa.

Dalawang taon na ang nakararaan ngunit galit pa rin s’ya. Hindi ko na napigilan ang pag-iyak ko. Kasabay nun ay ang pagkirot ng aking tyan.

Masakit. Humihilab. Parang may gustong kumawala.

Nakita ko ang pagka-alarma sa mukha ng mga magulang ko.

“Manganganak ka na.”, sigaw ni mama.

Naramdaman ko na lang na may bumuhat sa akin. Habang ang mama ko ay nagmamadaling tinawag si nanay Belen upang maihanda ang mga gamit ko at ng magiging sanggol.

Sa gitna ng pananakit na nararamdaman ko, nagawa kong tingnan ang bumuhat sa akin.

Gaano man s’ya pinatanda ng panahon, mabakasan man s’ya ng kaunting pagtanda, walang pinagbago ang kanyang lakas.

“Papa.”, bigkas ko at tumingin s’ya sa akin.

Gusto kong pumikit pero natatakot ako. Ngunit ang takot ko ay nawawala din ng bahagya. Dahil alam kong hindi ako pababayaan ng mga bisig na nakaalalay sa akin ngayon.

Ito ang mga bisig na kumarga at nagpapatulog sa akin noong sanggol pa lamang ako.

Ang mga bisig na naghahagis at sumasalo sa akin sa mga panahong nakikipaglaro.

Ang mga bisig na bumubuhat sa akin sa tuwing gusto kong lumipad na parang ibon.

At ang mga bisig na laging pumuprotekta sa akin.

Hindi ko inakala na ang mga bisig din na ito ang maghahatid sa akin sa panahong ako naman ang magkakaroon ng poprotektahan.

“Maging matatag ka lang Karla.”, narinig kong sinabi niya.

Opo papa. At ikaw ang nagturo sa akin kung papaano maging matatag.

***

“Nasaan ang anak ko?”

Walang makasagot sa akin.

Parang wala akong kausap ng mga oras na iyon.

“Bakit ganyan kayo makatingin?”, nakangiting sabi ko. Tumingin ako kay Arman. “Nasaan si baby?”

Malungkot s’yang tumingin sa akin.

Kinabahan ako. At biglang naglaho ang mga ngiti ko.

Lumapit s’ya sa akin at niyakap ako.

“Hindi Arman.”, nakaramdam ako ng panginginig ng katawan. “Ibigay nyo sa akin ang anak ko!”

Bakit?
Akala ko ba maayos na?
Bakit hanggang sa huling sandali, pag-iyak lang ang kaya kong gawin?
Bakit nangyayari ‘to?
Ano bang naging kasalanan ko?

Tumatangis na tanong ko sa aking sarili habang yakap ako ng mahigpit ni Arman.

# # 

Makalipas ang apat na taon.

“Anong pangalan mo bata?”

Napatingin ako sa lalaking nagtanong sa akin. Hindi ko s’ya kilala. Naalala ko ang sabi ni lolo na huwag akong kumausap ng mga taong hindi ko kilala.

Nilingon ko si tita na abala sa pamimili.

“Wag ka matakot. Hindi ako bad.”, nakangiting sabi pa ng lalaki. “Anong pangalan mo?”

Nagdadalawang-isip man ay sinagot ko s’ya. “Karmalyn po.”

“Karmalyn? Magandang pangalan. Ako nga pala si Arman.”

Ngunit hindi ko na nagawang sumagot pa dahil tinawag na ako ni tita.

“Karma!”

Nagmamadaling lumapit ako sa kanya.

“Sino ‘yung kausap mo?”, tanong ni tita sa akin.
“Arman daw po.”
“Arman?”, kunut-noong tanong nito.
“Opo. Ayun po s’ya.”, tinuro ko ang lalaki na nakatingin sa amin.

Nakita ko ang pag-iba ng ekspresyon ni tita pagkakita sa lalaki at bigla akong hinawakan sa kamay.

“Tara. Uwi na tayo Karma. At sa susunod, tandaan mo ang bilin sa ‘yo na huwag kang makipag-usap sa kung kani-kanino ah.”

Nagtataka man ay sumagot ako ng “Opo tita.”

Muli kong sinulyapan ang lalaki. Kumaway ito sa akin at nginitian ko s’ya.

Hindi ko s’ya kilala. Pero hindi naman siguro s’ya masamang tao gaya ng sinasabi nila lolo na nangunguha ng bata.

Nakita kong may tinawagan si tita.

“Nakita kami ni Arman.” 

Narinig kong sabi ni tita.

Kilala ni Tita si Arman?
Pero bakit ayaw n’yang kausapin ko?
Bakit nagmamadali kami?

Muli akong lumingon. Ngunit malayo na kami sa kanya.

 Arman. Nararamdaman ko, magkikita pa ulit kami. Itatanong ko kung bakit s’ya kilala ni Tita. At itatanong ko sa kanya kung sino ba talaga s’ya.

###

part 2 of the series Karma: Dreams and Journey

part 1: Ang Pagsisimula: Liwanag at Dilim

part 3: Ang Paglalakbay: Mga Munting Pangarap (Unang Yugto)

mhey

 

Advertisements

12 thoughts on “Ang Pagsisimula: Ako at ang Kahapon”

  1. Napakaganda ng paglalahad…

    Isa lamang ang aking habilin… sa ganang ang mga tauhan sa kwento ay papunta pa lamang at ako ay pabilk na….

    “ano man ang naging pasyang nakapagpabago ng buhay, maging ito ay tama o mali ( sa tingin mo o sa tingin ng iba), harapin nang buo ang loob ang anumang kahihinatnan…”

    Sapagkat ang bukas ay di natin hawak… ang pagkakataon ay minsa’y di umaayon…maaring may ligaya, maaring may pait…

    Ang mahalaga, ang dalawang taong nagsumpaang magsasama sa hirap at ginhawa ay hindi bibitaw sa kanilang pangako sa isa’t isa, saksi ang bayan, saksi ang Panginoon…

    Kung ang isa ay bibitaw, pangako ay mapapako… ito ang magsisimula ng walang katapusang pighati….

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s