Heart-felt Stories, SHORT STORIES

Mahal Ko Si Nanay at Mahal Ako ni Nanay

“Wag maging hadlang ang kahapon para ipadama ang pagmamahal sa taong malapit sayo. Ang nakaraan ay parte ng iyong buhay, at kung nasawi ay hindi dapat ito muling isabuhay.” 

Isang iyak ng sanggol ang pumunit sa katahimikan ng gabi. Sa nanlalabong ulirat ni Tess ay narinig pa nya ang pagbabalita ng komadrona na babae ang sanggol.
Naulinigan din niya ang boses ng kanyang asawa na tuwang-tuwa.

“Babae ang anak natin Tess.”

Anak natin...
Paulit-ulit iyong dumaloy sa kanyang isipan.
Tiningnan niya ang sanggol na ngayon ay karga na ni James, ang asawa nya.
“Anak?”, sa isip ay tanong nya habang unti-unting kinukuyom ang kamao, kasabay ng unti-unting pagkawala ng kanyang malay.

* * *

Abala si Tess sa pagluluto ng marinig nya ang pag-iyak ng isang bata.
Hindi na nya dapat ito papansinin ngunit lumakas ang pag-atungal nito.
Pabuntung-hininga nyang iniwan ang niluluto at lumabas.

“Jessa!”, sigaw niya.

Ilang saglit pa ay isang batang babae na may edad walo ang humahangos na lumapit sa kanya.

“Saan ka na naman ba nagpunta bata ka! Di ba sabi ko sayo bantayan mo lang si Justin!!? Puro ka laro!”, galit na sigaw ni Tess sa bata.
“Pasensya na po nay. May binili lang po ako sa labas.”, nakatungong paliwanag ng bata sa mababa at maamong tinig.
“Nangangatwiran ka pa! At ano na naman yang binibili mo?? Gastadora ka talagang bata ka! Manang-mana ka sa pinagmanahan mo! Pumasok ka sa loob! Dumapa ka!”, kinuha ni Tess ang sinturon na nakasabit sa dingding at iminwestra ang bata na dumapa.

Ilang beses ding lumatay sa maliit na katawan ng bata ang mabangis na sinturon na iyon.
Walang nagawa ang musmos kundi ang tahimik na lumuha dahil lalo lamang siya makakagalitan at mapapalo kapag umiyak sya ng malakas gaya ng nakakaraan.

“Sa susunod magtanda ka na! Sige, lakad, puntahan mo na si Justin. Patahanin mo.”, pahagis na inilapag ni Tess ang sinturon at pagkatapos ay tinungo uli ang kusina para ipagpatuloy ang ginagawa.

Naiwan sa sala ang batang babae na pilit na tinitiis ang sakit ng mga latay sa kanyang katawan.

Sya si Jessa. Ang batang sabik sa pagmamahal ng isang ina.
Bata pa man ay lagi na syang nakakatikim ng mga mabibigat na parusa mula sa kanyang nanay. Ngunit gayunpaman, ninanais pa rin ni Jessa na matuwa sa kanya ang kanyang ina. Kaya lahat ay ginagawa nya upang hindi ito magalit sa kanya. Ngunit ano mang pagsisikap ang gawin nya, ilan mang karangalan ang iuwi nya, pati na mga medalya, isa lang ang natatanggap nyang nga salita mula sa kanyang ina.
“Dapat lang na mag-aral kang mabuti. Sayang naman ang pagpapa-aral at pagkakagastos namin sayo”. 
Ang pagiging malupit sa kanya ng ina ay ang pinag-aawayan nito at ng kanyang ama.
Ang kanyang tatay James.
Ang kanyang kakampi. Ang laging nagpapatahan sa kanya pag umiiyak. Ang laging nagpapaliwanag kung bakit ganun sa kanya si nanay Tess. Na nagsasabing mahal sya ni nanay Tess kaya sya napapagalitan. At si tatay James ang katulong niya sa paghahanap ng mga paraan para mapasaya nya si nanay Tess.

“Ate..”

Nagmamadaling pinunasan ni Jessa ang mga luhang dumadaloy sa pisngi nya.
“Oh Jasper. Eto na pala ung laruan na pinapabili mo.”, inabot ni Jessa sa batang lalaki ang kanina pa nyang hawak na supot.
Ngunit hindi iyon tinanggap ng bata.
“Napalo ka na naman ni nanay. Sorry ate. Hindi ko nabantayan ng mabuti si Justin.”, maiyak-iyak na sabi ng bata na nasa 5 ang gulang.
“Wala to. Hindi naman masakit. Pagdating ni tatay, lalagyan nya ulit ito ng magic para di magpasa.”, pinipilit niya na maging masaya para sa kapatid. Musmos pa lamang ay naitanim na sa isipan ni Jessa na bilang nakatatanda ay dapat siyang maging huwaran sa mga nakababatang kapatid.
“Halika na, baka magising na ulit si Justin.”, yakag nya sa kapatid.
Naguguluhan man ay sumama na si Jasper sa kanyang ate. Nakikita man kay Jessa ang kirot ay hindi na nagawa pang magtanong ni Jasper. Muli ay nakakita sya ng isang kahanga-hangang ugali sa idolo nyang ate.

* * *

Maingat na kinumutan ni James ang panganay na anak. Ilang sandali pa syang umupo sa gilid ng kama nito. Pinagmamasdan ang payapang pagtulog ng bata.
Kanina pag-uwi ay nagsumbong sa kanya ang pangalawang anak na si Jasper na napalo na naman ang ate Jessa nito. Nakita nya kung paano lihim na kinakalabit sa likod at sinesenyasan ni Jessa ang kapatid na wag magsumbong sa kanya. Ngunit naunahan na ito ng nagmamalasakit na kapatid.
Nang tingnan nya ay namumula ang mga latay nito sa likod. Konti na lang at magkakapasa na ulit ito.

Alam nyang tinitiis lamang ni Jessa ang sakit habang nilalapatan nya ng lunas ang likuran nito. Maging si Jasper ay hinahawakan ang kamay ng kanyang ate. Para bang nagpapahiram ito ng tapang at lakas ng loob sa kapatid.

Muling tiningnan ni James si Jessa at masuyong hinaplos ang buhok nito.
Napakabait at napakatalinong bata ni Jessa. Halos maiyak sya kapag na-aalala ang usapan nila noong nakaraan.

~~Isang hapon iyon na walang pasok si James. Lumabas siya upang panoorin ang mga bata na naglalaro sa labas. Nagtaka sya ng hindi makita si Jessa kaya hinanap nya ito. 
At sa likod-bahay, sa ilalim ng puno ng mangga, mag-isa itong nakaupo. Malungkot. 

“May problema ba anak?”, tanong niya rito. 
Matagal na tiningnan lang sya ni Jessa. Wari nag-aalangan kung sasabihin ba o hindi. 
Maya-maya ay nagsalita ito sa mahinang tinig. 
“Anak mo ba ako tatay?”, malungkot na tanong nito. 
Nabigla si James sa narinig. Hindi nya inaasahan mula rito ang tanong na iyon. 

“Syempre. Ako ang tatay mo.”, nagawa niyang sabihin pagkaraan. Ngumiti siya. “ano bang tanong yan anak? Ako ang tatay mo. Ako ang nag-alaga sayo mula ng baby ka pa. Hanggang ngayon.” 
“Pero sabi nila, anak daw ako ni nanay sa pagkadalaga. Anong ibig sabihin nun ‘tay?” 

Naikuyom ni James ang kamao. Gusto nyang hagilapin kung sino ang nagsasabi nun sa anak nya at bigyan iyon ng isang suntok. 

“Hindi totoo yun anak. Anak kita. Anak ka namin ng nanay mo. Ako ang paniwalaan mo, wag sila. Maliwanag ba?” 

Tinitigan sya ni Jessa. Para bang sinisigurado kung totoo ba talaga ang sinabi niya.
Nginitian nya ito at ginulo ang buhok nito.
“Ikaw talaga bata ka. Para akong may kausap na matanda pag kausap ka. Maglaro ka na nga dun.”, inalalayan nya ito tumayo.
Nakita nya itong ngumiti at dahan-dahang lumakad palayo. ~~

“Ako ang ama mo Jessa.”, mahinang usal ni James. Ginawaran niya ng halik sa noo ang natutulog na bata at maingat na lumabas ng silid.

* * *

“Bakit mo na naman pinalo yung bata? Di ba sinabi ko na sayo na wag mo syang papaluin?”

Alam na ni Tess na ito ang sasabihin ng asawa pagkarinig pa lamang nya ng pagbukas ng pinto.

“Wala kang pakialam kung papaano ko didisiplinahin ang anak ko.”, katwiran nya dito.
“Hindi ka na naawa sa bata. Alam mo ba kung gaano kasakit yun?”, pagpapatuloy nito.
“Pwede ba? Wag na natin pagtalunan yan.“, tinalikuran ni Tess ang asawa at natulog na.

Walang nagawa si James kundi ang bumuntung-hininga at umiling sa ginawa ng asawa.

* * *

Sa may labas pa lang ay dinig na dinig na ang boses ng isang babae na pasigaw na nagpapagalit at ang iyak ng mga bata.
Humahangos na pumasok sa loob ng bahay si James. At nakita niya ang pagmamalupit na naman ni Tess sa anak.
Inagaw niya ang pamalo bago pa man ito muling lumapat sa maliit na katawan ng bata.
Tumingin sa kanya si Tess.

“Ano bang ginagawa mo?”, sita niya sa asawa. “Pinapakita mo pa sa dalawang maliit ang pamamalo mo.”
ang tinutukoy niya ay si Jasper at ang bunso na si Justin. Ang dalawang ito ang umiiyak habang nakikita ang ate nila na nasasaktan.

“Wala kang pakialam kung paluin ko man ang batang yan!“, sigaw ni Tess.
“May karapatan ako dahil ako ang Ama dito.”, malumanay pa rin si James ngunit nilagyan ng awtoridad ang boses.

“Hindi mo anak ang batang yan James kaya wala kang karapatan sa kanya!”

Sa sinabing iyon ni Tess ay tuluyan ng kumawala ang galit ni James. Nagtaas na rin sya ng tono ng pananalita.

“Wag kang magsasalita ng ganyan sa harap ng mga bata! At bakit mo nasabi na wala akong karapatan sa kanya? Ako ang nag-alaga pagkaluwal sa kanya. Ako ang nagpuyat gabi-gabi noong sanggol sya. Ako ang gumagamot pag nagkakasugat sya sa paglalaro. Ako ang naghahatid sa kanya nung nag-aaral na sya. At ako ang nagtuturo sa kanya. Ako ang nagpalaki kay Jessa. Kaya anak ko sya!”, narinig niya ang paglakas ng iyak ng mga bata. Maging si Jessa ay patuloy sa paghikbi.

“Minamahal mo ang batang yan? Alam mo ba kung pano ko kasuklaman ang sarili ko sa tuwing nakikita ko sya? At alam mo ba ang galit na nararamdaman ko sa tuwing ma-aalala ko ang nangyari?,” unti-unting naglalandas ang mga luha sa pisngi ni Tess. “Ang batang yan ay kasawian ko James. Sya ang dahilan kung bakit nasira ang pangarap ko. Kung bakit hindi ko nakamit ang buhay na gusto ko. Kung bakit pumangit ang tingin sa akin ng mga tao. Lintik na ama ng batang yan na napakasinungaling! Pamilyado na pala lakas ng loob na manligaw pa. At anong ginawa? Iniwan ako na nag-iisa. Itinakwil ako dahil sa kanya!”

“Nakaraan na yun Tess! Akala ko ba mula ng magsama tayo ay ok na ang lahat? At anak mo pa rin si Jessa. Pag-ukulan mo naman sya ng kahit na konting pagmamahal.”, muli ay naging masuyo ang boses ni James. “Hindi si Jessa ang kasawian mo Tess. Sa sobrang galit na itinanim mo sa puso mo, hindi mo namamalayan na matagal mo ng binabalewala ang napakagandang biyaya sayo ng Diyos. Hindi mo napansin na pagkatapos ng hindi magandang nangyari sayo ay binigyan ka nya ng isang dahilan para sumaya ulit.”
“Masaya? Masaya ba ang araw-araw kong nakikita ang kasawian ko?”, patuloy na salungat ni Tess ngunit hindi na sa mataas na tinig.
“Buksan mo ang puso mo Tess. Alisin mo ang galit sa puso mo. Nakaraan na iyon. Nakaraan na itinakwil mo na rin sa isipan mo. Ang sinasaktan mo ngayon ay isang walang malay na bata. Wala syang kasalanan Tess. Katulad mo ay isa rin siyang biktima ng nangyari. Hindi mo dapat sya dinadamay. Tingnan mo sya bilang si Jessa. Anak mo na ibinigay sayo ng Diyos. Pagkakamali man ang kanyang pinagmulan, hindi naman pagkakamali na iniluwal sya sa mundong ito. Maramdaman mo sana ang pagmamahal sayo ng anak mo. At sana maramdaman din niya ang pagmamahal mo.”
Hinawakan ni James sa kamay si Jessa at inakay ito palapit sa dalawang bata na umiiyak.
“Hindi pa huli Tess para magsisi.“, ito ang iniwang salita ni James sa asawa pagkatapos ay inakay ang mga anak papasok sa silid.

Naiwan si Tess na patuloy na lumuluha.
Noon lang nangatwiran ng ganun sa kanya si James. Tahimik lang ito sa lahat ng pagkakataon ngunit kapag nagsalita ay lagi itong nasa tama.
Ilang beses na rin syang natatamaan kapag nagsimula na itong magsalita sa kanya.
At ang naging sagutan nila kanina ay sapat na upang makaramdam sya ng guilt. Naipadama nito sa kanya ang kakulangan nya bilang isang ina.

* * *

Tahimik na binuksan ni Tess ang pinto ng silid. Sa lapag ay nakita nya ang mag-aama na magkakatabing natutulog. Bukas ang ilaw kaya kitang-kita nya ang payapang anyo ng mga anak sa pagtulog.
Tinuon niya ang pansin kay Jessa. Noon lang nya napansin na nagiging kamukha na pala nya ito habang lumalaki. Napangiti sya ng maalala ang hitsura nya nung bata pa sya.
Maingat syang lumakad at umupo sa gilid ng kama. Iniwan nya ng tingin ang mga ito upang tingnan naman ang paligid ng kwarto ng panganay na anak.
Tadtad ng papel na may drawing ang silid nito. Drawing ng isang nanay at isang batang babae ang malimit nyang makita. At napaluha sya ng makita ang isang lukot na papel na may guhit-kamay ng isang babae. May nakalagay doon na “I love you nanay. You’re the best mother in the world.”
Bigay iyon sa kanya ni Jessa nung nakaraang mother’s day. Ngunit nilukot lang nya at inihagis sa kung saan. Nakita marahil ito ng bata kaya idinikit na lang sa silid nito.
Sa patuloy na paglibot ng paningin ay nakita naman niya ang sunud-sunod na hilera ng mga medalya at mga sertipiko nito ng mga karangalan. At isang papel na may sulat-kamay ulit ni Jessa ang nakalagay sa baba. “Para sa inyo po ito nanay at tatay.” 
Mga nakatagong gamit na bigay niya, mga laruan, at iba pa. Lahat ay may nakalagay na “Galing ito kay nanay, dahil mahal nya ako.” 
Hindi na napigilan pa ni Tess ang kanina pa ay nag-uunahan ng mga luha sa kanyang mga mata.
Marahang nilapitan ni Tess ang anak at masuyo itong hinalikan sa noo.
“Patawad anak ko. Patawarin mo sana si nanay.”

* * *

Ilang araw ng iba ang mood ni Tess. Napansin ni James na pagkatapos ng gabi na magkasagutan sila ay naging magiliw na ito. Minsan na lang nya ito nakitang sumisigaw. At ang pagtrato nito kay Jessa ay naiba na.

Maging ang bata ay nagtataka kung bakit hindi na sya napapalo ng ina sa mga pagkakamali nya. Ngunit hindi na nya ito tinatanong pa. Masaya na si Jessa na naririnig ang nanay nya na tinatawag syang “anak”. Na hinahalikan na sya nito at niyayakap. Ramdam nya ang pagmamahal sa kanya nito. Dahil dito gabi-gabi syang nagpapasalamat sa Panginoon na dininig nito ang matagal na nyang pinapanalangin.

* * *

Tumatakbo ng mabilis si Tess. May takot na bumabalot sa kanya habang tinutungo ang emergency room kung saan isinugod ang kanyang anak.

“Jessa!”, tawag nya ng makapasok sa loob.
May malay ang bata ng lapitan nya.
“Nay.”, sa mahinang boses ay sambit nito ng makita sya.
“Diyos ko po. Bakit nangyari sayo ‘to anak ko.“, naiiyak na sabi ni Tess.
“Nay wag ka umiyak.”, nakita niya ang pagngiti ng bata.
“Nanay,” patuloy ni Jessa. “Mahal na mahal ko po kayo. Kayo nila tatay, Jasper at Justin. Wag nyo po pababayaan si tatay at mga kapatid ko. Pati po kayo nanay. Wag na po kayo masyado magalit.”
“Wag ka na magsalita anak. Makakasama sayo yan.“, hinahaplos ni Tess ang buhok ng anak. “Nurse nasaan na ba ang doktor? Bakit ba ang tagal nyo asikasuhin tong anak ko.”
Naramdaman ni Tess ang paghawak sa kanya ng kanyang anak.
“Nanay, salamat po sa pagmamahal ninyo. Naging masaya po ako dahil doon. Salamat po sa mga halik at yakap nyo.”
“Ano bang pinagsasasabi mo Jessa. Wag kang magsalita ng ganyan anak.”
“Pakisabi po kila tatay kay Jasper at Justin na mahal ko sila. At pag wala na ako, mag-iingat na sila kasi hindi ko na sila magagawang iligtas.”
“Ssshhh. Pls don’t say those words Jessa. Lumaban ka. Hindi ka mamamatay. Dok!!! Pls save my daughter!”, pasigaw na tawag ni Tess.
Humigpit ang pagkakahawak sa kanya ni Jessa.
“Pagod na po ako naynay. Nakamit ko na po ang pangarap ko na hindi na kayo magalit sakin. Pwede na po ako magpahinga.”

Halos madurog ang puso ni Tess sa sakit ng makita ang mala-anghel na ngiti ni Jessa sa kanya.
“I love you nay.”, nagawa pa nitong bigkasin, bago maramdaman ni Tess ang pagkaalis ng pagkakawak nito sa kanya at unti-unting pagpikit ng mga mata nito.

Isang ina na naghihinagpis at isang anak na payapang nahihimlay na may matamis na ngiti sa labi.
Isang eksenang hahaplos sa damdamin ng sinuman na makasaksi nito.

* * *

“Nay, babalik pa ba si ate Jessa? Nami-miss ko na sya.”

Ang tanong na iyon ni Justin ang nagpabalik sa isipan ni Tess sa kasalukuyan.

“Nakita ko si ate. Hinarang nya yung kotse na papunta samen. Tapos tumalsik sya. Nakita ko may dugo. Tapos natulog na si ate. Kelan ba sya gigising?”, sa paputol-putol na salita ay nagawang ikwento ni Justin ang nangyari ng araw na iyon.
Si Jasper naman ay tahimik lamang na nakatingin sa puntod ng kanyang ate. Ang pagkawala ng pinakamamahal na ate ay masakit para dito kaya ng mawala si Jessa ay naging tahimik lamang ito.

Umupo si Tess at hinarap ang bunso.
“Natutulog na si ate Jessa mo. At magiging mahaba ang pagtulog nya. Pero wag ka mag-alala, kasi balang-araw magkikita din kayo sa langit.”, paliwanag nya sa tatlong taong gulang na anak.
“Di ba nay sa langit napupunta ang mga mababait?”, tanong pa nito.
“Opo. Kaya nga dapat maging mabait ka para makita mo si ate Jessa.”
Tumango-tango ang bata na parang naintindihan talaga nito ang lahat.

“Halika na. Uwi na tayo.”, yakag niya sa dalawang bata.

Muling tiningnan ni Tess ang puntod ng kanyang panganay.

“Tama si James. Sinayang ko ang isang biyaya ng Diyos sa akin. Kung kelan gusto ko ng itama ang lahat, kinuha ka naman Niya sa akin. Patawarin mo ko anak. Mahal na mahal kita. At salamat sa pagmamahal mo. Alam ko na nagpapahinga ka na ngayon. Patawad anak ko. Paalam.” 

Huling sulyap at naglakad na sila palayo. Palabas kung saan naghihintay sa kanila si James at ang panibagong buhay na wala si Jessa.

# # #

02-14-12
9:44pm

Advertisements

15 thoughts on “Mahal Ko Si Nanay at Mahal Ako ni Nanay”

      1. maganda ka maglapat ng kataga…babalik ako at muling magbabasa…

        pasyal ka rin sa aking hardin at tumikim ng pulot na nakahain sa sinumang gustong doon ay dumaan… ^_^

        1. nakapasyal na ako dun.
          hindi lang masyado makapag-iwan ng komento dahil masyadong busy. ^_^
          more on tula ka pala. heheh
          sige2.. pasyal pasyal lang.
          ingats.. 🙂

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s