Have You Ever Been Inlove?, Kaunting Kilig, Of Heartaches and Heartbreaks, SHORT STORIES

Alitaptap

“Sinabi ko lang naman na mahal kita. Pero hindi naman ibig sabihin na kailangan mo rin akong mahalin.”

Mariin kong ipinikit ang aking mga mata. Sa ganoong paraan kasi ay nababawasan ang pagsisikip na nararamdaman ko sa aking dibdib.

Hanggang ngayon, hindi ko pa rin lubos na maisip na nasabi ko iyon sa kanya.

Ano ba’ng nakain ko at nasabi ko iyon?
Sadya bang hindi ko na mapigilan ang nararamdaman ko?

Dahan-dahan akong nagmulat ng aking mga mata. Sa madilim na paligid ay pinilit kong inaninag ang oras sa orasang tahimik na nakasabit sa dingding.

11:30 pm.

Dahan-dahan akong bumangon at pinagmasdan ang paligid. Maya-maya ay may munting liwanag akong nakita. Isang maliit na liwanag na kumukuti-kutitap. Palipad-lipad sa paligid.

Natutuwang pinagmasdan ko ang liwanag na naglalakbay sa aking kwarto. Binalak ko din itong hulihin ngunit lumayo ito. Sinubukan kong sundan ngunit hindi na nahabol pa nang lumabas na sa nakabukas na bintana ng aking kwarto.

Lumapit ako at dumungaw sa bintana. Mula doon ay natanaw ko sa aming bakuran ang mga maliliit na ilaw. Sumasayaw sa paligid ng mga puno at halaman. Naka-aaliw silang pagmasdan. Mga munting alitaptap na nagbibigay ng liwanag sa madilim na kapaligiran.

Minsan lang ako makakita ng mga alitaptap. Kadalasan kapag malapit na ang tag-ulan. ‘O ‘di kaya ay dahil kapag umuulan lang ako tumatanaw sa labas ng bintana.

Naalala ko, dati ay mahilig kaming manghuli ng alitaptap ng kaibigan kong si Joshua. Inilalagay namin ito sa isang garapon at tatakpan. Tuwang-tuwa kami sa liwanag ng mga pinagsama-samang alitaptap. Ngunit ang mga ito ay nawawalan din ng liwanag pagkaraan ng ilang oras. Namamatay sila. Bagay na ikinalungkot namin kaya hindi na kami ulit nanghuli.

 ALITAPTAP.

Noon pa man ay gusto ko na sila.
Gusto ko ang liwanag nila.
Gusto ko ang hiwaga na mayroon sila sa kanilang katawan.

Ilang beses din kaming nagtalo ni Joshua kung papaano umiilaw ang alitaptap.

Ngunit noon iyon. Noong kami ay mga musmos pa.

Nitong nagdaang mga taon, ikinumpara naman namin ang alitaptap sa aming mga pangarap.

“Alam mo, ang alitaptap, para ‘yang pangarap. Gaano man kaliit ang pangarap mo, nagsisilbi pa rin itong inspirasyon para patuloy kang lumaban. Parang alitaptap, kahit na maliit lang, nakatutulong din ito na maging liwanag mo sa napakadilim na gabi.”

At habang tumatagal, napakarami pa naming naikukumpara sa alitaptap. Maging ang pag-ibig.

“Pag umibig ka, parang mga alitaptap na kumiskislap sa gabing madilim ang iyong mga mata. Napakaganda.”, natatandaan kong sabi ni Joshua isang gabi na nakatambay ulit kami sa labas ng bahay.

“Inlove ka ba?”, sunod na tanong nito na hindi ko agad nasagot.

Tiningnan ko lang s’ya, tingin na nagtatanong kung anong alam n’ya sa nararamdaman ko nung panahon na iyon.

 “Handa ka na bang masaktan?”, tanong n’ya sa akin pagkaraan.
“Oo naman.”, sagot ko.

Alam n’yang unang beses akong nagmahal. May nagbago nga siguro sa akin kaya n’ya iyon nahalata.

 “Minsan kahit gaano kaliit ang ating mga pangarap, mahirap pa rin itong abutin. O kung makuha man natin, kagaya lang ito ng mga alitaptap na hindi agad nagtatagal.”, tumingin sa akin si Joshua. “Baka masaktan ka lang at umiyak gaya noong mga bata pa tayo.”

Tumawa ako. At sinabi sa kanya, “Masaktan man ako, alam ko naman na nandyan ka para pasayahin ako.”

Hindi s’ya nagsalita. Ngunit alam ko sa mga tingin n’yang iyon na hindi n’ya ako pababayaan.

Pinabayaan n’ya ako sa nararamdaman ko. Sa paghabol ko sa munting alitaptap ng buhay ko. Sa munting liwanag na nagdudulot sa akin ng kaligayahan.

Ngunit gaya ng sinabi n’ya, kailanman ay hindi ko magagawang alagaan habambuhay ang alitaptap.
Nagliliwanag lang s’ya, nagbibigay ng kaunting kaligayahan, ngunit kailanman ay hindi mapapasa-akin.

Nalaman ko na lang na may iba s’yang mahal.

Ngunit gaya ng sinabi ko, mahal ko lang s’ya. Hindi ko naman sinabi na mahalin n’ya rin ako. Malaya s’ya gaya ng alitaptap. Kung lalapitan ba n’ya ako o mananatiling nasa malayo upang mamasid ko lamang.

Nawala ang atensyon ko sa mga alitaptap ng tumunog ang aking telepono. Si Joshua.

“Alitaptap na naman?”, bungad nito pagkasagot ko.
Ngumiti ako at tumanaw sa nakabukas na bintana ng bahay na katapat ng bahay namin. Doon ay natanaw ko si Joshua na nakadungaw din katulad ko.

“Bakit gising ka pa?”, tanong ko sa kanya.
“Wala lang. Naramdaman ko kasing may magandang babae sa tapat na hindi pa natutulog hanggang ngayon. Kaya bumangon ako.”, nakatingin si Joshua sa direksyon ko habang nagsasalita. “Bakit ba gising ka pa?”
“Ikaw ang tinanong ko. Bakit mo ibinalik sa akin?”
“Sinagot ko na ‘di ba?”.

Nakita kong kumaway s’ya sakin.

“Kyla!”, sabi nito. “Para kang alitaptap”
“Bakit?”
“Dahil ikaw ang magandang liwanag sa buhay ko. Malapit ka man, hinahayaan lang kita dahil ayokong mawala ka sa akin.”

Hindi ako nakapagsalita sa narinig ko. Parang biglang umihip ang panggabing hangin matapos sabihin iyon ni Joshua. Madilim man ay nakita ko ang kanyang mga matang nangungusap sa akin.

“Joshua.”
“Bakit?”
“Hindi ikaw ang alitaptap ko.”

Hindi ko narinig ang kanyang pagtugon. Parang nakita ko mula sa ilaw sa kanyang kwarto ang bahagyang pag-iba ng timpla ng kanyang mukha.
Lihim akong napangiti.

“Joshua, hindi ikaw ang alitaptap ko.”, ulit ko.
At sinundan ito sa malamyos na tinig.
“Ikaw ang aking liwanag. Sa araw man o sa gabi, alam kong nandyan ka lagi. At ayokong mawala ka sa akin.”

Nabigla na naman ba ako sa nasabi ko? Tinitigan ko si Joshua na biglang naging blangko ang ekspresyon. Pagkatapos ay ngumiti. Sa ngiting iyon ay tuluyan kong nailabas ang ngiti kong ilang araw ding nawala.

Si Joshua. S’ya lang ang nakakapagpangiti sa akin ng ganito ng walang dahilan. Parang pagngiti ko sa mga alitaptap na minsan ko lang makita. Ngunit gaya ng sinabi ko, s’ya ang aking liwanagHindi ang alitaptap na naglalaho ang liwanag kapag hinahawakan ng matagal.

 # # #

 11:04 pm. June 17, 2012

mhey  ❤

Advertisements

10 thoughts on “Alitaptap”

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s