Have You Ever Been Inlove?, Kaunting Kilig, SHORT STORIES

Ang Muling Pagkikita

“Ginusto ko naman na muli kaming magkita. 

Ngunit hindi sa ganitong paraan. At sa ganitong sitwasyon. 

Tama ba tong nararamdaman ko?
Bakit parang nasasaktan ako? “

Matagal kong tinitigan ang lalaking pumasok sa aking tanggapan.
Alam ko na katulad ko ay bahagya din siyang nagulat ng makita ako. Nag-alangan akong batiin siya o kaya ay paupuin man lamang.
Isang maliit na tinig ang bumasag sa katahimikan at nagpanumbalik sa aking katinuan.
“Teacher Maica, ‘eto po ang daddy ko.”

Napatingin ako sa batang nagsalita.
Noon ko lang napansin na hawak nito sa kamay ang lalaki.
Magiliw kong nginitian ang bata at ibinalik sa lalaki ang aking tingin.

“Upo po kayo.” 

Hindi ko alam kung malakas ba ang pagkakasabi ko. Pero naririnig ko ang lakas ng kabog ng dibdib ko.

“Daniel..”
Mahina lamang iyon ngunit sapat na para tumingin sa akin ang lalaki na ngayon ay nasa harapan ko na kasama ng bata.
Ngumiti ito. Ngiti na nagpapalunod sa akin at nagpapasaya ng mundo ko.

“Daddy. Sya ang teacher Maica ko. Ang ganda nya po ‘di ba?”, ang tinig muli ng bata ang bumalot sa katahimikan ng silid dahil sa kawalan ko na naman ng sasabihin.

Lalo akong natahimik ng marinig ko ang sagot ni Daniel.
“Tama ka. Maganda nga sya.”, nginitian nito ang kanyang anak.

“Salamat.” tipid na sabi ko. At sa isip ay sumisigaw ako ng, “Anu ba Maica. Behave! Do your part now.”

Matapos huminga ng malalim ay nasimulan ko na rin ang usapan at ang dahilan ng pagpapatawag ko kay Daniel.
Estudyante ko ang batang babae na si Danica sa itinayong voice and instrument workshop ng tita ko. Nag-enrol ito sa piano lessons at napili ng aking tita para isali sa recital nito sa susunod na buwan. Parental consent lamang ang dahilan ng pagpapatawag ko at isa pa, hindi ko napapansin na inihahatid si Danica ng mga magulang nito. Kaya ginusto ko rin silang makilala.

Natapos ang aming pag-uusap at sinamahan ko sila sa labas. Nakakita agad ng kakilala si Danica kaya iniwan niya kaming dalawa ni Daniel na magka-agapay sa paglalakad.

“Matalino ang anak mo.” nagawa kong sabihin ng hindi nanginginig ang boses ko. “Ngayon hindi na ko magtataka kung bakit. Mana kasi sayo.” 

Tumawa lang si Daniel sa sinabi ko.

“Kamusta ka na?”, tanong nito.
“Ok naman. Maraming nagbago.Maraming nadagdag. Pero syempre ako pa rin yung dating Maica.” nakangiting tiningnan ko sya. “Ikaw kamusta ka na? Matagal din tayong walang communication. Kayo ba ni Nerie ang nagkatuluyan?”
Gusto kong malaman kung sino ang mommy ni Danica.
Pigil ang hiningang naghintay ako ng kasagutan ni Daniel.
Ngunit iba ang naging sagot nito.
“Tama ka. Nagbago ka nga. Mas lalo kang gumanda.”

Naramdaman kong umakyat ang dugo ko sa aking mukha. Marami na kong nakita na mga dating kakilala. Sinabi din nila na mas gumanda ako ngunit kakaiba ang epekto nang si Daniel na ang nagsabi. Lihim kong ipinagpasalamat ang pagbabago nya ng usapan namin.

“Hindi ka na ba ulit babalik sa Maharlika? Hinahanap ka ng ibang mga kaibigan natin sa tuwing magbabakasyon sila doon.”

Maharlika. Doon ako ipinanganak at nagkaisip. Doon ko rin nabuo ang mga pangarap ko kasama ng mga kababata at mga kaibigan ko. Ilang taon na rin mula ng lisanin ko ang lugar na iyon. May mangilan-ngilan akong balita na ang iba sa mga kaibigan ko ay umalis na rin doon ngunit bumabalik pa rin upang magbakasyon. Mukhang ako na nga lang ang tila hindi na nakakaalala sa lugar na pinanggalingan ko.
Nahihiyang napangiti ako kay Daniel.

“May matutuluyan pa ba ako doon?”, tanong ko sa kanya.

“Para namang napakalayo ng lugar na ito doon. Dalawang bayan lang naman ang pagitan.”, sabi ni Daniel.

Napasang-ayon ako sa kanya. Oo nga naman. Bakit kaya may mga tao na nalipat lang ng tirahan, parang napakahirap ng pumasyal kahit isang beses man lamang sa dati nilang lugar. Tulad ko.

“Nakakausap ko pa rin naman sila pag nagkakatagpo kami at saka may connection pa rin kami through cp and chat. Pero sige. Pupunta ako dun pag nagkaroon ako ng free time.”

It’s a promise.
Kinapa ko ang sarili ko. Naramdaman ko ang kaba at saya sa isipin na babalik ako sa lugar na iyon. Kapiling ang mga dati kong kaibigan. Ibabalik muli namin ang ingay at saya. Yun nga lang, may isang bagay ako na hindi na maibabalik pa. 

Tiningnan ko si Daniel at si Danica na kumaway sa akin bago pumasok sa sasakyan.
Unti-unti akong nakaramdam ng lungkot.
Kailanman ay hindi na muling babalik pa ang pag-ibig na iniwan ko sa Maharlika. Kasalanan ko rin naman. Kaya wala dapat akong pagsisihan.

# #

Nasanay na ako na laging present si Daniel sa mga lessons ni Danica. Nanonood pa ito habang nagtuturo ako. Noong una ay muntik na akong magkamali dahil sa kaba. Pakiramdam ko kasi tatalon palabas ang puso ko dahil sa nerbyos habang nakatingin sya sa amin at nanonood. Ganun pa rin kalakas ang epekto nya sa akin.
Ang pinsan ko ang teacher ni Danica sa voice lesson kaya naman pagkatapos nya sa akin ay may oras pa kami ni Daniel para makapagkwentuhan.
Katulad pa rin sya ng dati. Mabait, maginoo, seryoso pa rin ngunit andun pa rin ang kanyang kakaibang humor na syang nagustuhan ko sa kanya.

Kinasanayan ko na ang ganitong set-up kaya hindi ko napigilang hanapin sya kay Danica nang dumating ang bata na ang kasama ay ang pinsan nitong si Aya.

“Busy po si daddy Daniel ngayon. May ginagawa po sya kaya hindi nakasama.”, sagot sa akin ni Danica.

Hindi naman ako dapat na malungkot. Pero bakit hindi ko mapigilan?

Maica, hindi ka talaga nag-iisip. May asawa’t anak na yung tao. Dapat kalimutan mo na sya. 
Mahinang pagalit ko sa sarili ko. Napabuntung-hininga ako.
Hindi na nga talaga maibabalik pa ang nakaraan.

# #

Happy 25th birthday! 

Tipid kong nginitian ang babae sa harap ko at sinuklian din nya ako ng katulad na ngiti.

“25 ka na. Pero hanggang ngayon loveless ka pa rin!”, tumatawang sabi ng babae sa tapat ko.

At ang babaeng yon ay ako.
Ilang umaga ang lumipas na masayang nakatawa ang babae sa salamin.
Ngunit ngayon ay tila nakasimangot na ito.

“Maica kasi, marami namang iba dyan. Si Jc. Malapit na syang umuwi.” 

Ngunit hindi man lamang ako kinilig sa nabanggit na pangalan.

“Hayst. Bakit kasi si Daniel pa?” 
Nakita kong nalungkot na naman ang mukha ng babae sa salamin.

Isang katok ang narinig ko.

“Ate Maica. May bisita ka.”, sigaw ng kapatid ko.

Tamad na tamad akong tumayo at lumakad palabas. Ni hindi ko na pinagka-abalahang suklayin ang nagulo kong buhok at palitan ang maiksing damit na pinantulog ko. 
Wala sa sarili
, ‘ika nga nila.

Para akong binuhusan ng malamig na tubig ng makita kung sino ang bisita ko.

“Daniel!”, alam ko na may kasamang panlalaki ng mata ang pagkakasabi ko sa pangalan nya.
Nahiya ako bigla. Hindi ko malaman kung papaano tatakpan ang sarili ko at pakapa kong hinawakan ang buhok ko.
Ano na lang ang sasabihin nito? Na ganito ko pinakikiharapan ang mga bisita ko.

“Ang aga mo.”, nasabi ko na lang. “Kakagising ko lang. Hindi kasi ako sanay na may bisita ng ganito kaaga.”

Sana nakuha nya ang lihim na mensahe nitong, pasensya na sa ayos ko ngayon.
Isa kasing ugali ni Daniel ang pagiging konserbatibo. Alam ko na ayaw nya sa suot ko ngayon.

“Pasensya na kung napaaga ako. Gusto kasi kitang sorpresahin.”, sabi ni Daniel na sa mata ko lang nakatingin. Kulang na lang ay sabihin nito na magpalit muna ako ng damit.
Nag-aalangan man ay nagawa pa rin nitong lapitan ako.

“Happy birthday.”, sabay abot sa akin ng bulaklak at isang regalo.

Na-freeze ako sa madaling sabi. Kinurot na naman niya ang puso ko.
Hindi pa pala nya nakakalimutan ang aking kaarawan at eto pa nga, binigyan nya ko ng isang napakagandang sorpresa.

“Thank you.”, malapad ang pagkakangiti ko habang inaabot ang mga ito. “Super touch naman ako.”
Muntik na ngang mangilid ang luha ko, pinigilan ko lang.

“May gagawin ka ba ngayon?”, tanong ni Daniel.

Wala sa sariling umiling ako.
“Wala naman.”, muntik pa akong pumiyok habang kinakabahan akong nakatingin sa kanya. Aayain nya ba akong mag-date? Ngayon pa lang ‘di ko na maiwasang kiligin.

“Kung pwede sana kitang ayain lumabas. Kung ok lang sayo.” 

Parang hindi na pinag-isipan pa ang naging sagot ko. Basta alam ko na lang, nagmamadali akong bumalik sa kwarto ko at naghagilap ng maisusuot. Kung mabilis lang ba o matagal ako sa kwarto ay hindi ko na namalayan.
Namalayan ko na lang na nasa loob na ako ng sasakyan. Katabi si Daniel na hindi ko man lamang inabalang tanungin kung saan ba kami patungo.

Tahimik lang ako dahil tahimik lang din ang katabi ko.
Panaka-nakang sinusulyapan ko sya. Naghahagilap ako ng pwedeng pag-usapan ngunit sa tuwing mapapatingin din sya sa akin ay bigla akong nahihiya at napapaiwas ng tingin. Tinalo ko pa ang isang teen-ager sa inaasal ko. Kaya naman nakuntento na lang ako sa pagtanaw sa paligid.

“Maharlika.”, mahinang usal ko ng masilayan ang pamilyar na lugar.
Ngumiti si Daniel sa akin.

“Maligayang pagbabalik”, wika nito habang papasok kami sa tarangkahan ng isang bahay na kilalang-kilala ko.

# #

Marami mang nagbago ay di maipagkakaila na ito pa rin ang lugar na aking kinalakihan na masarap tirahan.
Sariwa ang hangin, malamig, at nakakarelax ang tanawin.

Para tuloy gusto kong manirahan ulit dito.

Sinulyapan ko ang mga kaibigan ko na nasa isang kubo sa di kalayuan.
Sinorpresa nila ako kanina.
Pagbaba namin ng sasakyan ay inakay ako ni Daniel papunta sa likod-bahay. Pagdating namin ay nagsimulang tumugtog ng gitara si Brando. Ang aking kuya-kuyahan. Sinundan ito ng pagkanta ni Jema, ang aking matalik na kaibigan. At sinabayan siya ng iba pa naming kaibigan at kababata.
Nagsisimula na kong umiyak ng maging leron leron sinta na ang kanilang kinakanta. Dahilan upang mapalitan ng tawa ang mukha kong napupuno na ng luha at konting sipon. Ganun kami noon. Puno ng kalokohan kahit pa sabihing seryosohan ang pinag-uusapan. Hanggang ngayon pala ay hindi pa rin sila nagbabago.

Napapangiti ako habang inaalala ko ang nakaraan.
Ang bakuran na ito ang sya naming naging laruan at tambayan.
Saksi ang mga nagtatayugang mga puno ng mangga, santol, kamatsile, bayabas, banaba, chico, guyabano, langka, atbp., sa tibay ng aming samahan.
Sama-sama mang madapa sa hilahang-lubid, magkatapikan sa patintero, maiwang mag-isa sa taguan, ang isa’t-isa pa rin ang aming takbuhan sa tuwing kami ay may dinaramdam.

Alam mo bang nagkatuluyan ang dalawang nakaukit na pangalan na ‘yan?”

Kilalang-kilala ko ang boses na iyon ngunit ginusto ko pa rin siyang sulyapan.

Nasa likuran ko na si Daniel at nakatingin sa dalawang pangalan na nakaukit sa puno na nakatayo sa harapan namin. JED & LESLIE.

Napangiti naman ako sa nalaman ko. Sila kasi ang itinuturing namin na loveteam noon. Nagsimula lang yun sa asaran hanggang sa maging totohanan na.

Muling ibalik ang tamis ng pag-ibig. Muling pagbigyan ang pusong nagmamahal. Muling ibalik ang tamis ng pag-ibig sayang naman ang ating nakaraan.

Sabay kaming napalingon ni Daniel sa mga nagkakantahan. Nakita ko ang mga nanunudyo nilang ekspresyon. Namumula ako. Hindi ko man makita ay nararamdaman ko ang pag-iinit ng aking pisngi. Tulad nila Leslie at Jed ay isa rin kami ni Daniel sa mga pares na kilala sa aming magkakaibigan. Nahihiya akong tumingin kay Daniel. Nakangiti lang sya at nakatingin sa akin. Muntik na naman tuloy kumawala ang puso ko dahil sa mga tingin na iyon.

Maibabalik pa ba?”, nakatawang sabi ko kay Daniel sa malakas na tinig para marinig din ng iba.

Naghiyawan sila at nagsimula na naman sa kantyawan.

Tawa lang ang isinagot ni Daniel. Sa mga mata nya ay parang may nais syang sabihin ngunit hindi nya ito magawang sabihin.

Alam ko Daniel, tanggap ko nang hindi na natin maibabalik pa ang nakaraan. Malungkot na sabi ko sa sarili ko.

Naging masaya ang aking kaarawan.

Lubos na sana ang kasiyahan kung iisa kami ng nararamdaman.

# #

As time goes by, I think that I’m falling for you all over again.

 

Nakakatakot.

Hindi ko alam kung ano bang iniisip ni Daniel. Napakatahimik kasi nyang tao.

Hindi ko alam kung may nararamdaman pa ba sya sa akin o kasabay itong naglaho ng paglisan ko noon.

Naputol ang aking pag-iisip ng makarinig ng mga katok.

“Pasok.”

 

Isang babae na maganda ang postura ang tumambad sa aking paningin. Pamilyar ang mukha nito ngunit hindi ko lubusang mabatid kung saan ko ba sya nakita.

Hi Maica. Natatandaan mo pa ba ako?”, nakangiting sabi ng babae. Lumapit sya at hindi na hinintay na paupuin ko. “Pasensya na kung wala ako nung birthday mo”

 

“Nerie?”

 

Ngumiti lang ang babae sa nabanggit kong pangalan. Sya nga si Nerie.

Ginantihan ko ang kanyang ngiti.

Napasyal ka ‘ata. Kamusta ka na? Anong sadya mo?”, sunud-sunod kong tanong dahil parang alam ko na ang kanyang pakay sa pagpunta rito.

Wala naman. Gusto lang kita makita. Nabalitaan ko kasi na ikaw ang teacher ni Danica. At pumunta ka sa Maharlika nung nakaraan. Kauuwi ko lang kasi galing Australia kaya hindi ko masyadong alam ang mga happenings dito.”, mahaba nitong pagpapaliwanag. “So kamusta ka na? Have you met your special someone?”

 

Yes I’ve met him. But I think he’s not really meant for me. Sagot ko na hindi ko isinatinig.

Nginitian ko lang sya.

“Pumunta ka lang ba dito para tanungin ako nyan?” tinitigan ko sya.

Nakipagsukatan sya sa akin ng tingin. Ngunit una rin syang nagbawi.

Kumusta kayo ni Daniel?”, nagawa rin nitong itanong.

Alam ko talaga na tungkol kay Daniel ang sadya nito.

Magkaibigan pa rin kami, tulad ng dati.”

 

“Hindi ba sya nanliligaw ulit sayo?”, tanong nito na ipinagtaka ko.

“May nakaraan kami noon Nerie. Pero hanggang dun lang yun. Hindi na maaari pang ibalik. May kanya-kanya na kaming buhay sa ngayon.” Sabi ko na lang sa kanya.

Bumalik ang kanyang ngiti.

Mabuti naman kung ganun.”, sabi nito. “Ibinigay mo na sya sa akin noon. Mas pinili mo ang magandang buhay kesa sa kanya. At inalagaan ko sya at minahal gaya ng pangako ko sayo. Kaya dapat tuparin mo rin ang pangako mo.”

 

“Alam ko.”, tipid kong sagot. “Wala ka dapat ipangamba Nerie. Inuulit ko, may kanya-kanya na kaming buhay sa ngayon. At meron na kayong Danica. Wala ako sa lugar para manggulo.”

 

Agad ko ng tinapos ang usapan na iyon.

Nasasaktan ako, hindi dahil sa sila ni Daniel. Kundi sa mga sinabi nitong dahilan kung bakit nawala sa akin ito.

Ilang taon na rin ang nakalipas. Akala ko noon, madali akong makakalimot. Ngunit hindi pala.

~~”Hindi naman kami ni Daniel.”

“Pero mahal nyo ang isa’t isa?”

Napatingin ako kay Nerie.

“Mahal nya ba ako?”, tumawa ako ng mahina. “Hindi ko alam.”

“Hindi nya sinasabi dahil na-aalangan sya sayo.”

Nagtatanong ang mga matang tumingin ako kay Nerie.

“Bakit nga ba hindi Maica? Maganda ka, matalino. At mayaman. Gusto ng mga magulang mo, katulad mo rin ang maging nobyo mo.”

“Pero ako pa rin naman ang masusunod kung sino ang gugustuhin ko.”

“Nasasabi mo lang yan dahil hindi mo pa nararanasan. Eh pano kung ayaw sa kanya ng mga magulang mo? Makakaya mo pa ba syang ipagtanggol? Makakaya mo pa bang ipaglaban ang pagmamahal mo?”

 

Tiningnan ko si Nerie at sa kanyang mga mata ay nakita ko ang gusto nyang ipahiwatig sa akin.

Tumangu-tango ako habang nag-iisip.

 

“Mahal mo si Daniel?”, tanong ko sa kanya.

Hindi sya umimik.

“Naiisip mo ba na mas maaalagaan mo si Daniel kesa sa akin? Na mas karapat-dapat sya sayo?”, huminga ako ng malalim. “Napagpasyahan na ni mommy na umalis na kami sa lugar na ito.”

“Anong ibig mong sabihin?”, tanong ni Nerie dahil walang nakakaalam na aalis na kami.

“Iiwan na namin ang maharlika. Wag mo sanang isipin na ipinapamigay ko si Daniel gaya ng isang laruan. Ibibigay ko sya sayo dahil alam ko na ma-aalagaan mo sya. Mahalin mo sya gaya ng pagmamahal ko sa kanya. At sana, walang makakaalam ng usapan nating ito.” ~~

 

 

Ibinigay ko na sya. Dahil nasasaktan ako pag ikinukumpara ang katayuan nya sa katayuan ko. Masama bang proteksyunan ang taong mahal mo?

Siguro nga, nagkamali ako.

# #

Hindi anak ni Daniel si Danica. Anak ito ng kapatid niyang panganay na namatay sa isang aksidente kasama ang asawa nito. Kaya si Daniel na ang tumayong ama ng bata mula noon.

‘Yun ang nalaman ko ng magkita kami ni Jema.

Hindi pala si Nerie ang nanay ni Danica at hindi pala sila mag-asawa ni Daniel.

Kaya pala may takot pa rin ito ng malaman na nagkikita kami ni Daniel.

Dapat ko bang ikatuwa ang nalaman ko?

Naisip ko si Nerie at ang naging usapan namin.

Hindi ko dapat sirain ang pangako ko para sa pansariling kapakanan lamang. Lumayo ako noon para sa katahimikan. Ngayon pa ba ako manggugulo kung kailan maayos na ang lahat?

Malungkot akong tumanaw sa malayo.

Bakit ba may mga bagay na kahit gustong-gusto natin ay hindi natin makuha?

Nananatili lamang sila bilang PANGARAP.

 

# #

Kung ikaw sana si Daniel, mas madali sana akong pumayag.

Matagal kong tinitigan ang singsing na nasa magandang lalagyan na nasa harapan ko.

Inilipat ko ang aking tingin sa mukha ng may hawak ng singsing na iyon.

“Jc.”

May problema ba Maica?”

 “Wala naman. Kaya lang, hindi ba masyadong mabilis? Kauuwi mo lang ah.”, pinipilit kong maging boses natural habang naghahanap ng palusot kay Jc.

Inilapag ni Jc ang singsing sa ibabaw ng table ko.

Andito kami sa loob ng opisina ko. Sanay na ako na maging bisita si Jc kapag andito sya sa bansa. Pero hindi ko inakala na magpopropose na sya sa akin sa araw na ito. May pagka-cheap ah. Hindi man lamang ako dinala sa isang magandang restaurant. Pero naisip ko rin naman na kung ginawa nya yun, masasayang lang dahil hindi ko sya sasagutin.

Hindi naman kami ni Jc para ayain nya ako magpakasal. Akala nya lang siguro na kami dahil wala akong naging boyfriend at sa mga naging manliligaw ko ay sya lang ang bukod tanging naging malapit sa akin.

Gusto ko kasi na bago ako bumalik sa Italy ay makasal na tayo.”, sabi nito.

Ah ganun? So iiwan mo ako pagkatapos ng kasal? Tadyakan kaya kita dyan? Sa isip ay nasabi ko.

Muli sana akong tatanggi nang bumukas ang pinto at pumasok si Daniel.

Sabay kaming napatingin dito ni Jc. Si Daniel naman ay bahagyang nagulat.

Pasensya na. Kanina pa kasi ako kumakatok, wala akong narinig na sagot kaya pumasok na ko.”, paghingi ng dispensa ni Daniel. “Sige, mamaya na lang Maica.”

 

Akma itong lalabas ngunit hindi natuloy nang si Jc ang nagpaalam na lumabas.

Pag-isipan mo Maica.”, sabi pa nito bago umalis.

May boyfriend ka pala.”, sabi ni Daniel.

Wala akong boyfriend.”, sabi ko na sya namang totoo.

Pero nagproposed na sya?”

 

Nakita kong nakatingin si Daniel sa singsing na nakapatong sa table ko. Kinuha ko iyon at inilagay sa isang drawer.

Ano nga palang sadya mo?”, pag-iiba ko sa usapan namin.

May problema ba Maica?”

 Nagtatakang tumingin ako sa kanya. “Anong ibig mong sabihin?”

 “Wala naman. Pansin ko kasi, parang iniiwasan mo na ako. Hindi ka naman dating ganyan sa akin. Dahil ba sa boyfriend mo?”

 “Wala nga akong boyfriend.”, ulit ko.

“Eh bakit mo nga ako iniiwasan?”, tanong ulit nito.

“Hindi kita iniiwasan. Busy lang ako.” Tumayo ako at naglakad palabas. “Uuwi na ako. May gagawin pa ko sa bahay.”

Napatigil ako sa paglalakad ng hawakan nya ako sa braso. Awtomatikong napaharap ako sa kanya.

Tiningnan ko ang kamay nyang nakahawak sa braso ko at para naman syang napaso na binitiwan ako.

“Pasensya na.”, sabi nito at tumahimik na.

Nauna akong lumabas ng opisina. Nakita ko paglabas si Nerie ngunit hindi ko sya binati. Tuluy-tuloy lang ako sa paglalakad. Kunwari wala akong pakialam.

Pero hindi ko rin nakayanan. Nilingon ko rin sila.

Bakit ba natin pinahihirapan ang mga sarili natin? May Nerie ka na. Hayaan mo naman na magkaroon na rin ako ng akin Daniel.

May luhang pumatak sa muli kong pag-iwas ng aking tingin.

# #

Matagal na kong nag-iisa. Nasasanay na nga ako na mag-isa. Pero hindi ko naman ginusto na maging ganito ako habang-buhay.

 

Andito na naman ako. Kinakausap ang sarili ko sa harap ng salamin.

Tinatanong kung ano ba talaga ang gusto kong mangyari sa buhay ko.

Hindi kasi katulad ng fairytale ang buhay ko. Nakulangan ng tamis. Bakit ba naging puro pait na lang?

Mas mabuti pa sigurong matulog na lang at baka managinip pa.

Malapit na sana akong balutin ng mundo ng kawalan ng marinig ko ang sigaw ng aking kapatid.

“Ate! Ate! Bilisan mo! Lumabas ka dyan!”

Nagtataka man ay lumabas na rin ako.

“Bakit ba? May sunog ba?”

Hinila nya ako papuntang sala. Doon ay nakita ko si Daniel. Pulang-pula ito at mabuway ang pagkakatayo.

“Daniel?!”, nilapitan ko ito at inalalayan. “Anong nangyari sayo? Bakit ka naglasing?”

“Hindi ako lasing. Nakainom lang ako.”, sabi nito.

Sinenyasan ko si Maureen na kumuha ng mainit na tubig at ng bimpo.

Dahan-dahan kong inakay si Daniel papunta sa mahabang sofa at iniupo ito dito.

“Bakit Maica?”, tanong ni Daniel.

“Anong bakit? Di ba dapat ako ang magtanong nyan? Bakit ka nag-inom?”, sa kalagayang ito ay nagagawa ko pa ring magbiro. Hindi ko kasi alam kung ano bang gagawin ko sa kanya.

“Akala ko mahal mo ako Maica.”

Natigilan ako sa sinabing ito ni Daniel.

“Nagkamali na naman ba ako Maica?”, pagpapatuloy nito. “Noon kasi, akala ko, pag tinatawag mo akong mahal, nararamdaman kong mahal mo talaga ako. Pero iniwan mo lang ako. Tinanggap ko ang pang-iiwan mo. Dahil sabi ko sa sarili ko, hindi pa rin naman ako handa na maging tayo dahil alam kong hindi pa ako matatanggap ng mga magulang mo. Wala pa akong maipagmamalaki sa kanila. Ipinangako ko na magsisikap ako para sa’yo. At pag dumating na ang panahon na sa tingin ko ay pwede ng maging tayo ay hahanapin kita Maica.”

Sa mapungay na mga mata ay pinilit ni Daniel na tingnan ako.

“Nakita ulit kita Maica. Pinilit kong maibalik kung anong meron tayo noon. Hindi ko man lamang inisip na baka may boyfriend ka na ngayon. Akala ko kasi ay katulad mo rin ako, na umaasa na magiging tayo pa rin. Nagkamali pala ako.”

“Daniel.”, hinawakan ko ang kanyang pisngi.

Hinawakan naman nya ang aking kamay.

“Magpapakasal ka ba sa kanya Maica? Sya ba ang mahal mo?”

Naluha ako ng makitang umiiyak siya.

“Mahal kita Maica. Lahat ng meron ako ngayon. Kung sino man ako ngayon, dahil yun sa’yo. Para maging karapat-dapat ako sa pagmamahal mo.”

Hindi ko sya magawang sagutin. Nakita ko na lang na unti-unting tumiklop ang talukap ng kanyang mga mata. Naparami siguro ito ng inom.

Tiningnan ko si Daniel. Masuyo kong hinaplos ang kanyang noo at mukha. Ngayon ko lang napagtanto, ibang-iba na nga sya sa dati.

Malayo na ang kanyang narating kumpara sa mahirap na Daniel noon.

“Daniel, kahit ano ka man, mahal kita. I’m sorry, napaka-selfish ko, ayaw lang naman kitang masaktan. Pero ngayon, wala ng dahilan para hindi maging tayo.”

 

I kissed his forehead and smiled.

“Ako ang naging inspirasyon mo. At natutuwa akong malaman yun Daniel.” Nginitian ko sya na para bang nakikita nya ako.

# #

Ilang oras na akong naghihintay na magising sya.

Buong magdamag ko na yatang binabantayan ang lalaking nakahiga sa aking kama. Nararamdaman ko na ang pamimigat ng talukap ng aking mga mata.

Pipikit na sana ako ng makita na kumilos na ang lalaki at unti-unting nagmulat ng kanyang mata.

Muntik na kong matawa sa ekspresyon nya ng makita ako.

“Maica!,” gulat na sabi nito at inilibot ang mata sa paligid. Pagkatapos ay sa sarili nito.

Iniiwas ko ang tingin sa kanya ng mapansin nitong nag-iba ang suot nito.

“Wala akong nakita. Wag ka mag-alala, pumikit ako.”, nahihiyang sabi ko.

“Lasing ka kagabi ng pumunta ka dito.”, pagpapa-alala ko sa kanya ng nangyari kagabi.

“Pasensya na Maica. Naabala pa tuloy kita.”

“Ok lang yun. “, nakangiting sabi ko. “Masakit ba ulo mo? Sandali lang, ipagtitimpla kita.”

Tatayo na sana ako upang lumabas ng pigilan nya ako.

“Maica.”

Matagal ko syang tinitigan. “Bakit Daniel?”

Nanatili lang na nakatingin sya sa akin.

Ngumiti ako.

“Daniel, gusto kong marinig ulit ‘yung mga sinabi mo sa akin kagabi.”

“Ang alin?”, nagtatakang tanong niya.

“Sabi mo, mahal mo ako.”

“Sinabi ko ba yun?”, maang-maangan nito.

Sumimangot ako na ikinatawa nya. Hinila nya ako dahilan upang matumba ako palapit sa kanya.

“Mahal kita Maica. Hindi ‘yun nagbago, mula pa noon.”

“Magsasabi ka lang na mahal mo ko, kailangan pang manghila?,” biro ko sa kanya.

Natawa sya at kinurot ako sa pisngi.

Tumawa din ako at sa ilang saglit ay nagseryoso.

“Mahal din kita Daniel. At binabawi na kita mula kay Nerie.”

“Hindi mo naman ako kailangang bawiin dahil kailanman ay hindi ako naging kanya.”

Sa sinabi nyang iyon ay nakita ko ang kakaibang kislap sa mata at ngiti ng babae sa salamin.

At nakasisiguro ako na magtatagal ang ngiting iyon at hindi na muling mabubura pa.

 

# # #

mhey

AkingPanulat

04-21-12

4:58pm

Advertisements

12 thoughts on “Ang Muling Pagkikita”

    1. ang tagal ko na plang tumigil sa pagsusulat. hahah
      ngayon lang ulit napadpad at ngayon ko lng nabasa comment mo.
      salamat ^_^
      kapag kasi hinabaan baka kumorni na. heheh

    1. ahihih., hello po..
      kasagsagan ng pagpupuyat sa dealine nung ginawa ko to, at hindi pa ulit sinusulyapan.. ahahahah

      na-edit ko na..
      baka may nakaligtaan pa ako.. ahahah
      thanks po ^^

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s