Karma - Dreams and Journey, SERIES

Ang Pagsisimula: Liwanag at Dilim

Isang iyak ang pumunit sa nakabibinging katahimikan na bumabalot sa lugar na iyon. Isang pagtangis ang pumailanlang na sadya namang kahabag-habag sa sinuman na nakaririnig.
At sa pagitan ng mga paghikbi ay may pangalang nasasambit.
“Karma, anak ko. Lumaban ka!”

Lumukso ang aking dugo pagkarinig sa pangalan na iyon. “Karma.”
Nahihirapan man ay nagpumilit akong idilat ang aking mga mata. Kahit kaunting liwanag man lang ang aking masilayan. Gusto ko lang makita kung ano ba ang nasa paligid ko. Gusto ko lang malaman ang dahilan ng pagtangis na iyon.

Tagumpay na naidilat ko ang aking mga mata.
Nararamdaman kong nakadilat na ako. Ngunit ano ito?
Bakit madilim pa rin?
Nakamulat na ba talaga ako?

Sandali akong nakiramdam.

Hindi ko na marinig ang pagtangis at ang pagtawag sa isang pangalan.
Nasaan na kaya s’ya? Bakit ako na lang mag-isa ang nandito?

Ito ba ang tinatawag na paglalayag sa kawalan? Patay na ba ako?
Pero hindi. May malay ako ngayon kaya alam ko na buhay pa ako.

Unti-unti kong nilibot ang aking paningin. Pilit na inaaninag ang mga naka-paligid sa akin.
Naglakad ako na kumakapa. Hanggang sa makakita ako ng liwanag.
Nagmamadali akong pumunta palapit dito. Ngunit agad ding napahinto ng makita ang mga tao sa liwanag na iyon.

“Gusto kong lumipad.”, wika ng isang batang babae na ibinuka ang kanyang mga kamay at umakto na parang lumilipad.
Tumawa ang lalaki na nagmamasid sa tabi ng bata.
Tumingin dito ang batang babae at nagsalita ulit.
Nakita ko ang saranggola ni Goyong. Ang taaAaas ng lipad ‘tay! Gusto ko ng ganun. Parang masaya kapag nasa ulap!”, kitang-kita sa mga mata ng bata ang kislap ng mga pangarap nito.
Nilapitan s’ya ng lalaki.
“Gusto mong lumipad? Halika dito.” 
Sa isang saglit ay binuhat ng lalaki ang batang babae at inikot-ikot sa hangin.
Pumaibabaw ang boses ng bata na tuwang-tuwa kasabay ang halakhak ng ama nitong masayang nakikipaglaro sa anak.

Naaaliw ako na panoorin sila ng makarinig ulit ako ng mga tinig. Paglingon ko ay nakita ko ang batang babae na kanina ay nakikipaglaro sa kanyang ama.
Isang matandang lalaki naman ang kasama nito.
Kaiba sa masaya nitong mukha kanina ay lumuluha naman ito sa ngayon.

“Mabait naman si tatay.”, walang patid ang luha sa magandang mukha ng bata.
“Mabait dahil ngayon mo lang s’ya nakasama! Hindi ka lumaki sa kanya kaya hindi mo lubusang kilala ang tatay mo Kara!“, mababakasan ang pagiging istrikto ng matanda sa hitsura at tono ng kanyang pananalita.

“Mahal s’ya ni nanay. At sabi po ni nanay, mabait s’ya.”, patuloy sa paghikbi ang bata.

“Mahal!? Nilason ng pagmamahal na iyan ang utak ng nanay mo! At hindi mo naiintindihan ang salitang mahal Kara!” 

Nakita ko na isang matandang babae ang pumagitna sa kanila.

“Rolando. Huwag mong kagagalitan ng ganyan ang bata.” 
Nilapitan nito ang batang babae at masuyong hinawakan.

“Ayokong makita kita ulit na kasama ang lalaking yun. Maliwanag?”, puno ng awtoridad na saad ng lalaki. Tiningnan niya ang bata at ang matandang babae. Pagkatapos ay tahimik na nilisan ang lugar na iyon.

“Lola masama po ba si tatay?“, humihikbing tanong ng bata.
“Hindi apo. Huwag mo ng intindihin ang sinabi ng lolo mo. Masama lang ang kanyang pakiramdam. Tahan na.”, nakangiting sabi nito habang pinapatahan ang batang babae.

Bigla silang nawala sa aking paningin at ang pumalit ay isang batang lalaki kasama ng batang babae.

“Masarap bang tumira sa malaking bahay?”, puno ng kuryosidad na tanong ng batang lalaki.

“Masaya naman. Pero mas masaya dito sa labas ng malaking bahay.”, seryosong sagot ng batang babae.

Patuloy lang ang dalawang bata sa pagkain ng mangga na kinuha ng batang lalaki.

“Ikaw Goyong, gusto mo ba tumira sa malaking bahay?”, tanong ng batang babae.

Maang na napatingin si Goyong sa nagtanong.

“Ako kasi, ayoko na dun. Gusto ko na kila tatay at nanay.” 
Nakita ko ang lungkot sa mukha ng batang babae habang sinasabi niya ang mga bagay na iyon.

Isang tinig ang nagpalingon sa akin.
Isang babae naman ang nakita ko. Humahangos ito palapit sa kinaroroonan ng dalawang bata na pnapanood ko kanina.
Ngunit nawala na ang dalawang bata. Napalitan na ito ng isang dalaga at isang binata.

“George! Kara! May goodnews ako!”, hindi pa man nakakalapit ay tumitili na ito.

“Ano un Cha-cha?“, halos magkasabay na tanong ng dalawa.

“Napili ako na representative ng course sa pageant ng school!!”, tumitili at tuwang-tuwang sabi nito. “George, sana ikaw na lang ang mapiling lalaki para partner tayo!”
“Ayoko sumali sa ganyan.”, may pag-aalangang sabi ni George.
“Sige na. Bagay kasi tayo eh. Di ba Kar?” 
Pilit na ngumiti ang tinanong na babae.
Hindi ko alam kung bakit parang kumirot ng bahagya ang aking dibdib ng makita ko ang nakatagong lungkot sa mukha ng babaeng tinawag na Kara.
Matagal ko silang tinitigan. Pinapanood ang mga ngiti na nagliliwanag sa kanilang mukha.

Hanggang sa muli ay unti-unting dumilim.

“Tulungan mo ako Karma.” 
“Pero sobra naman ang hinihingi mo Charie.” 
“Di ba sabi mo, lahat gagawin mo para sa akin? ATE Karma.” 

Muli ay parang may kumurot sa puso ko ng madinig ko ang salitang “ATE”.

Namalayan ko na lang na nasa harapan na ako ng isang lalaki na may hawak na baril.

“Malaking pagkakamali na ikaw ang pumunta dito. Sige na tumakbo ka na Kara. Takbo!” 

Sinunod ko ang sigaw ng lalaking iyon.
Hindi ko alam kung bakit. Pero tumakbo ako.

Hindi pa ako nakalalayo ay isang putok ng baril ang narinig ko.

Napatigil ako sa pagtakbo at nakaramdam ako ng hapdi at kirot sa bandang likod.
Muli akong nakarinig ng isa pang putok.
Pagkatapos ay ang pagtawag ng lalaking sumigaw sa akin ng “takbo”.

Tuluyang nagdilim ang paligid ko at ang mga pagtawag sa akin ay naglaho.
Anong nangyari?
Nasaan ba talaga ako?

Sa muli kong pagsisikap na makakita ng liwanag mula sa kadiliman ng kapaligiran ay muling lumitaw ang imahe ng mga nakita ko kanina.
Ang halakhak ng lalaking nakikipaglaro sa kanyang anak. Ang istriktong mukha ng matandang lalaki, sinundan ng mapang-unawang mukha ng matandang babae.
Lumitaw din ang nakangiting mukha sa kanya ng batang lalaki.
Naging binata ito at sumulpot sa tabi nito si Cha-cha.

“Karma! Karma!” 
“Kara!” 

Nakakarinig ulit ako ng mga pagtawag ng pangalan.
At kasabay niyon ay lumitaw ang mukha ng batang babae. Nakangiti at kumakaway sa akin. Naging mahinhin ang pagngiti nito ng maging dalaga ito habang nakatitig ako sa kanyang mukha.

At sa unti-unti nitong paglaho ay noon ko lang napagtanto kung sino ang babaeng ito.

Sinikap kong muling makakita ng liwanag.
Sa namimigat na talukap ay muli kong ipinilit na magmulat ng mata.

May kaunting liwanag akong nasilayan. At sa pagkakataong ito, alam ko na totoo na ang liwanag na ito.

Unti-unti kong naramdaman ang pagbalik ng aking pakiramdam. Ang malamig na kapaligiran, ang bahagyang kirot sa may likuran at ang paghawak sa akin ng isang babae na kanina pa isinisigaw ang isang pangalan.

Naramdaman ko rin ang mainit na likido sa aking mga pisngi.
Kung sa akin ba iyon o kung sa babae ay hindi ko na mawari pa.

“Karma!” 

Naulinigan ko sa kanyang tinig ang kakaibang kasiyahan. Tila nabunutan ito ng malaking tinik sa pagbabagong nakita.

Sa nanlalabong paningin ay nakilala ko siya.

Ang aking ina.

Bahagya akong ngumiti.

Pinilit kong mahawakan ang kamay ng aking nanay at sabihin sa kanya na huwag na s’yang umiyak.

Ngunit walang namutawi sa aking bibig. Tanging ang ngiti ko lamang na tahimik ang masisilayan.

Sa dami na ng mga pinagdaanan ko sa buhay. Sa dami na ng mga naranasan ko, mga pagluha, mga sakit. At sa mga di mapantayang kaligayahan ko.

Ngayon pa ba ako susuko?

Muli kong inalala ang mga mukhang nagsasalimbayan sa isip ko kanina.
Sila ang mga bumuo sa aking pagkatao.
Sila ang nagbigay sa akin ng kalakasan at ng pagmamahal.

At ang liwanag na tumatanglaw, alam ko na sa Diyos iyon nanggagaling.
Katulad ng pagbibigay ng buhay ko ay binigyan Niya ulit ako ng liwanag, ng pag-asa, ng dahilan upang muling gumising.

Hindi ako naniniwala na kung anuman ang gawin mo ay babalik sa ‘yo.
Yun bang tinatawag nilang “karma”.
Pero naniniwala ako na bibigyan ng gantimpala ng Ama ang sinumang lingkod Niya na sumusunod sa Kanyang mga utos.

Tama. Ang mga nangyari sa akin ay hindi isang karma.
Magkagayunman, paniwalaan nyo ako.
Dahil ako si Karma. 

At ito ang pagsisimula ng aking kwento.

###

Next: Ang Pagsisimula: Ako at Ang Kahapon

Advertisements

6 thoughts on “Ang Pagsisimula: Liwanag at Dilim”

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s