Heart-felt Stories, SHORT STORIES

Ang Ala-ala ni Lolo

Nakita ko ang gabi na pumanaw si lolo.
Nakita ko ang tila nakangiti niyang mukha habang siya ay payapang nakahimlay.
At nakita ko rin ang mga luha at pighati ng mga nasa paligid nang oras na ipinikit na niya ang kanyang mga mata.

Marami ang nalungkot at narinig ko ang ilan sa kanila ay nagsabi na ang lolo ko ay isang bayani.
Sa murang gulang ay inakala kong bayani si lolo tulad ng mga bayani na ipinakilala sa akin ng aking mga guro sa paaralan.

Bayani si lolo. At iyon lang ang tanging alam ko.

# #

“Marco!”

Sa katahimikan ng gabi ay pumailanlang ang tinig ng aking ina.

“Marco! Pumarine ka nga! Ano bang ginagawa mo d’yan sa labas? Gabing-gabi na a.”, nakita kong dumungaw ang aking ina sa may bintana. “At nasa damuhan ka na naman. Pumasok ka na. May maligno d’yan.”

Nagawa pa n’yang takutin ang bunso naming si Marco. Samantalang sa aming magkakapatid, ito ang tila walang kinatatakutan. Kahit siguro anong klaseng engkanto ang makita nito sa labas ay hindi ito tatakbo at sisigaw gaya ng ibang mga duwag.

“Kinakausap na naman siguro n’ya ang mga kulisap sa labas.”, sa pagitan ng pagsubo ay sabi ni kuya Ron, ang panganay sa aming magkakapatid.
Napatingin ako sa kanya. Nakita ko kung papaano n’ya lantakan ang pritong galunggong na ulam namin. Galing s’ya sa trabaho kaya tulad ng dati ay hindi namin s’ya kasabay maghapunan.

“Kung kumain ka parang fried chicken lang yan ah.”, biro ko sa aking kuya.
Tumingin lang s’ya sa akin at pagkatapos ay itinuloy na ang pagsubo.

Maya-maya pa ay pumasok na sa bahay si Marco. Napansin ko ang hawak niyang libro.
Dala-dala na naman n’ya ang panitikan ni lolo.

“Ate Che. Magsaranggola tayo bukas.”, sabi n’ya sa akin ng nakangiti.

Nagtataka man ay umoo ako sa kapatid ko na masayang pumasok sa loob ng kanyang silid.

# #

Mataas na ang sikat ng araw ngunit hindi ramdam ang init nito dahil sa hangin na banayad na dumadampi sa aking balat.
Ang sarap talaga dito sa bukid. Sariwa ang hangin. Hindi katulad sa lungsod kung saan nagiging imbakan ng usok ang baga ko.

Humiga ako sa damuhan sa ilalim ng puno ng mangga habang ang kapatid kong si Marco ay abalang-abala sa isang tabi. Sa pagkakahiga ay maraming alaala ang dumaloy sa aking isipan. Mga alaala ng kamusmusan na gusto kong mabalikan kung may pagkakataon lamang.

“Ate! Tingnan mo. Ang taas ng lipad ng saranggola ko!”

Mula sa pagkahulog sa malalim na pag-iisip ay napatingin ako kay Marco na tuwang-tuwa habang nakatingala siya sa kalangitan.

Sinundan ko ang kanyang tingin at sa himpapawid ay nakita ko ang isang bagay na lumilipad.

“Wow! Eroplano ba yan?”, tanong ko kay bunso.
“Si lolo yan ate!”, sagot ng aking kapatid.

Isang alaala ang mabilis na dumaan sa akin pagkarinig sa pangalan na kanyang binanggit.

“Wow! Ang taas naman niyan lolo!”, tuwang-tuwa ang batang babae habang tinatanaw ang saranggola na pinapalipad ng kanyang lolo.

“Saranggola din ba si superman?”, tanong ng bata na ikinatawa ng kanyang lolo at ng isa pang bata na mas matanda sa kanya.
“Hindi naman totoo si superman.”, sabi ng batang lalaki na kasama nila. “Nagpapauto ka na naman sa mga pinapanood natin.”
Nagtatanong ang mga mata ng batang babae habang nakatingin sa kanyang kuya.
“Kung totoong nakakalipad ang mga tao, mas magaling pa si lolo kaysa kay superman.”, sabi pa ng batang lalaki.
Nakangiti ang kanilang lolo habang ibinibigay nito ang pisi sa batang lalaki.
“May mga bagay na imposibleng magawa ng isang tao kaya gumagawa s’ya ng paraan para maabot ito. Hindi mahalaga kung totoo man sila o hindi. Ang mahalaga ay nagdudulot sila ng kasiyahan at nakapagdudulot ng pagbabago sa buhay ng isang tao.”, wika nito.
Ginulo ng matanda ang buhok ng batang babae na alam niyang hindi lubusang nakaunawa sa kanyang mga sinabi.

“Saan ka natutong gumawa ng saranggola? Tinuruan ka ba ni kuya Ron?”, tanong ko kay Marco.
“Tinuruan ako ni lolo.”, hindi lumilingon na sagot niya sa akin.

“Sa panitikan ni lolo. Dun s’ya natuto gumawa n’yan.”

Hinanap ko ang pinanggalingan ng boses na iyon. At nakita ko si kuya Ron sa itaas ng puno. Sa isang sanga kung saan malimit silang maupo ng aming lolo at magkwentuhan, lalo na sa mga panahon na pinagalitan si kuya ng aming ama.

Kinuha ko ang libro na nakapatong sa damuhan sa tabi ko. Dahan-dahan ko itong binuklat at tiningnan ang nilalaman ng munting libro na laging dala-dala ng aking kapatid.

“Nami-miss n’yo pa rin si lolo?”, wala sa loob na tanong ko kay kuya.
“Sino ba ang hindi nakakamiss sa kanya?”, balik na tanong sa akin ni kuya Ron.

Sa pagbubuklat ko ay mabilis kong binabasa ang bawat mahagip ng aking paningin.

“…marahil darating ang araw na kaunti na lang o halos wala ng gagawa at magpapalipad ng saranggola. Kung meron man ay binibili na lamang ito. Hindi na mararamdaman ng mga bata ang kakaibang tuwa kapag makita nilang lumilipad na parang ibon sa himpapawid ang isang bagay na pinaghirapan nilang gawin. Dahil dito ay ilalagay ko kung papaano gumawa ng isang saranggola at isang guryon. Nang sa gayon ay makadama ng kaligayahan ang sinumang makakabasa ng panitikang ito.”

Nakita ko ang detalyadong paraan ng paggawa ng saranggola. Ito marahil ang binasa ni Marco kagabi kaya nagyaya s’ya na magsaranggola kami ngayon.

“Sa hinuha ko ay hindi mo lubusang naintindihan ang mga nangyari noon at ang sa kasalukuyan.”
Nakita ko ang mapait na ngiti sa mga labi ni kuya habang patuloy siyang nagsasaysay.
“Nilikha ng Diyos na nag-iiba ang kulay ng parang. Natutuyot ang mga damuhan ngunit ito’y muling nagiging luntian. Gaya ng pagpapalit ng panahon sa pagitan ng taglagas at tagsibol. Ngunit ang mundo ngayon ay nagkakaroon na ng kasiraan. Baka nga dumating ang araw na kahit ang mga kulisap ay wala ng matitirahan.”

Gusto kong tumawa dahil sa kalaliman ng sinalita ng aking kuya. Ngunit pinigilan ko ang aking sarili. Marahil tama sya na hindi ko naiintindihan ang mga nangyari noon. At hindi ko rin naiintindihan kung anong koneksyon ng mga nangyari noon sa nangyayari  sa kasalukuyang panahon.

Mula sa pagkakayuko ko sa libro ay idinako ko ang aking paningin sa aking dalawang kapatid. Hindi ko lubusang naiintindihan ang mga pangyayari. Kaiba sa kanilang dalawa na nakakatalastas ng lahat ng nasa paligid.

# #

Isa ang katahimikan ng gabi sa mga nagustuhan ko sa probinsya. Sa tuwing umuuwi ako dito sa amin ay nakakaramdam ako ng kapayaan.

Maliwanag ang buwan ng gabing iyon kaya minabuti kong tumambay muna saglit sa labas ng bahay. Sinasamyo ko ang malamig na hangin ng mapansin na may nakaupo sa damuhan.

“Marco?”

Nilapitan ko ang batang tahimik na nakaupo at nakatingin sa kalangitan. Wari bang nagbibilang ito ng mga bituin at naghihintay na kahit isa man lamang sa mga ito ay mahulog at mahuli ng kanyang paningin.

“Andito ka na naman sa labas.” sabi ko at umupo ako sa tabihan niya.
“Tinitingnan ko lang ang mga bituin.”, sabi nito.

“Hindi ka ba natatakot? Mag-isa ka lang dito.”, tanong ko sa kanya habang inililibot ko ang aking paningin sa paligid.
“Bakit naman po ako matatakot? Sabi nga po ni lolo, ang kalaban ng tao ay wala sa mga bagay na ginawa ng Diyos sa ating paligid. Kundi ito ay nasa kalooban ng bawat isa sa atin.
Napatingin ako kay Marco.
Tama ba ako ng dinig? Parang mas matanda pa sa akin ang nagsalita.

“Nabasa mo ba yan sa panitikan ni lolo?”, tanong ko kay Marco.

Hindi sumagot si Marco. Tumingin sya sa akin ng matagal. Pagkatapos ay nagtanong ng isang bagay na hindi ko inaasahan.

“Ate, alam mo ba kung bakit kilala si lolo sa kanilang kagawaran noon?”

Ang tanong na iyon ni Marco ang naghatid sa akin ng isang alaala nang si lolo ay nabubuhay pa.

“Kung hihikayatin mo ang mga magsasaka para maibenta ang mga lupain nila ay bibigyan ko ng sapat na pondo ang inyong kagawaran.”

Tinitigan ko ang lalaki na kausap ni lolo. Maliit na tao lamang s’ya na may katabaan. Pormal na pormal itong makipag-usap sa aking lolo.

“Bakit hindi na lang ikaw ang makipag-usap sa kanila?”, tugon ni lolo sa kausap.
“Alam mo naman na sayo lang sila nakikinig. Inirerespeto ka sa bayan na ito. Kaya mapapapayag mo sila sa anumang sasabihin mo.”

Si lolo ang tiningnan ko. Hindi ko mabakasan sa mukha niya ang masayahing lolo sa tuwing nakikipag-usap sa akin. Nakita ko ang unti-unting pagtigas ng ekspresyon ng aking lolo.

“Inuulit ko mayor. Wala ako sa lugar para himukin sila na ipagbili ang kanilang mga lupain. Naiintindihan ko kung sakali man na hindi sila pumayag. At kung anuman ang maging desisyon nila ay igagalang ko iyon.”

Hindi umimik ang lalaking tinawag ni lolo na “mayor”. Kapwa sila nagsukatan ng tingin nito. Ilang sandali pa ay tumango-tango si mayor.

“Bueno. Kung ‘yan ang iyong pasya ay hindi na kita pipilitin pa.”, iniabot nito ang kamay kay lolo. “Hanggang sa muli Arthur.”

Tinanggap ni lolo ang nakalahad na palad ni mayor.

“Hanggang sa muli.”

Matipid na ngitian lang ang nangyari at umalis na si mayor. Sumunod dito ang mga lalaking nakaputi na kasama nito.

Ilang sandali na nanatiling nakatayo si lolo. Sa aking hinuha ay pinag-iisipan niya ang pinag-usapan nila ni mayor.
Nagulat ako ng magsalita siya.

“Cherry Alyssa. Pumasok ka dito sa loob at isarado mo ang pinto.”

Hindi na ako nagtaka pa na alam ni lolo na matagal na akong nakasilip sa pintuan na nagdurugtong sa silid-aklatan ng aming bahay at sa pansariling tanggapan ni lolo. Nakatungo ang ulo na pumasok ako at marahang isinara ang pinto.

“Sorry po lolo. Gusto lang po sana kita makausap pero may kausap ka po pala.”, paghingi ko ng dispensa dahil higit sa lahat ay ayaw ni lolo na makinig kami sa usapan ng iba.

Hindi nagsalita si lolo. Nilapitan niya ako, hinawakan sa baba at marahang itinaas ang aking mukha.

“Bata ka pa para maintindihan ang lahat ng narinig mo. Pero isa lang ang gusto kong tumimo sa iyong isipan Che. Na hindi dapat gamitin ang kapangyarihan upang makuha ang isang bagay na para sa pansariling kapakanan lamang.”

Hindi ako nakatiis kaya nagtanong ako.

“Lo, ibebenta po kaya nila ang lupa? Pano po ‘yun? Saan po sila titira? Ibig sabihin mawawalan kami ng mga kalaro?” may lungkot na tanong ko.
Ngumiti lamang si lolo sa akin.
“Kailanman Che ay hindi kayang bayaran ng salapi ang kapayapaan at kaligayahan na idinudulot ng lugar na ito para sa mga naninirahan dito. Marami ng sumubok sa ibang lugar pero bumabalik at bumabalik pa rin sila dito.” tinapik niya ang aking pisngi.

“May sasabihin ka ba?”, malumanay niyang tanong sa akin.

Muling sumilay ang aking mga ngiti.

“May sumibol na punong mangga sa damuhan lolo!”, masayang balita ko. “Pagdungaw ko sa bintana ay nakita ko.”
Hinawakan ko sa kamay si lolo at hinila siya palabas ng silid. Biglang napawi sa aking isipan ang mga narinig kani-kanina lamang. Napalitan ng payak na kasiyahan buhat sa isang musmos na kaisipan.

“Si lolo ay kinilala sa kanyang paninindigan. At sa kanyang pagmamahal sa bayan na ito.”
Muling bumalik kay Marco ang pansin ko. Nasa walong taong gulang pa lamang si Marco. Limang taon lang siya ng pumanaw si lolo ngunit kung magsalita ito ay parang mas matagal na n’yang nakasama si lolo kaysa sa akin.

“Namatay s’ya na kapakanan pa rin ng iba ang kanyang iniisip.”, ako ang tumuloy sa iba pang sasabihin ni Marco. Nginitian ko s’ya sa kawalan ng sasabihin.

Oo. Aminado akong hindi ko masyadong pinapasyalan ang aming silid-aklatan na siyang tambayan ni Marco. Hindi ko binabasa ang mga libro na hindi interesante para sa akin. At ni hindi ko man lamang pinag-ukulan ng kaunting panahon noon ang panitikan ni lolo.

“Mabait si lolo Arthur. Walang oras na hindi s’ya nakangiti sa tuwing magkausap kami. Lagi niya ako kinukwentuhan. At malimit kaming umupo sa damuhan. Dito mo raw kasi mararamdaman na malaya ka. Habang nakaupo o kaya nakahiga. Habang nakatunghay sa ‘yo ang malawak na kalangitan, mararamdaman mo ang pagiging isang nilikha. Katulad ng mga puno ay nakatatayong mag-isa. Katulad ng mga dahon ay nakagagalaw ng malaya. Katulad sa mga halaman na patuloy na lumalago. Katulad sa himpapawid, sa ulap, sa kalangitan, na mayroon ka ring ‘singtaas nila na pangarap. At katulad ng mga damo na kahit natatapakan ay patuloy na nabubuhay.
Gustong-gusto ni lolo ang damuhan dahil kahit anong tapak ang gawin dito, magbibigay pa rin ito ng malambot at komportableng pakiramdam kapag hinigaan.”
Panandalian akong tumigil dahil sa pagpatak ng luha mula sa aking mga mata. Ngayon ko nalaman na hindi totoong hindi ko lubusang naiintindihan ang lahat. Noon pa man ay alam ko na ang mga nangyayari. Hindi ko lang matanggap.

Masakit ang mawalan ng isang mahal sa buhay.
Masakit ang pakiramdam na magigising ka at hindi mo na masisilayan ang tao na nagpalaki sa ‘yo, ang tao na nagpamulat sa ‘yo ng maraming bagay.

Wala na ang aming mga habulan taguan, ang pag-akyat sa puno, ang paliligo sa ilog, at ang pamamahinga namin sa ilalim ng isang puno na tumubo sa damuhan.

Hanggang sa huling sandali ay tahimik niyang ipinaglaban ang lupain na s’ya naming naging kanlungan. Ang lugar kung saan nabuo ang aming mga pangarap na hinango namin mula sa malayang kapaligiran.

# #

Tapos na naman ang bakasyon.
Heto ako. Naglalakbay pabalik sa lungsod.

Pinatay ko ang aircon ng sasakyan at ibinaba ang bintana sa tabi ko.
Sumulyap sa akin si kuya Ron ngunit hindi ako sinita. Patuloy lang ito sa tahimik na pagmamaneho.

Sariwang hangin ang pumasok sa loob ng aming sasakyan. At muli ay naaliw akong pagmasdan ang mga puno, bundok, ulap, mga hayop na aming nadadaanan.

Larawan ng isang mapayapang buhay.

Hanggang sa unti-unting nawala ang mga puno sa aking paningin.
Sa pagsuong namin sa naglalaparang mga kalsada ay unti-unting bumagal ang takbo ng aming sasakyan. Hindi dahil sa kailangang bagalan ang takbo kung hindi dahil sa unti-unting pagsikip ng trapiko dulot ng napakaraming mga behikulo.
Ang mga puno ay napalitan ng mga gusaling nagtataasan. Ang mga gusali na nilikha ng mga noon lamang ay pangarap.

Tama. Nangarap din ako noon ng ganitong buhay.
Mabilis, gumagamit ng teknolohiya, larawan ng isang pag-unlad.

“Masaya ang dulot ng panandaliang pag-unlad. Subalit ang epekto nito ay pangmatagalang pagdurusa. Ang tao ay nagiging mangmang sa pag-aakalang lahat ng pangarap niya ay makabubuti para sa lahat. May mga nangangarap tumangkad, pumayat, tumaba, maging matalino, gumanda. At nag-aral sila para dito. Ang pangarap nila ang nag-udyok sa kanila upang lumikha sila ng kung anu-ano. Ang mga gusali, ang mga establisyemento, lahat ng binebenta, lahat ng hindi natural dito sa mundo. Lahat ay nagmula lamang sa pangarap.
Wala ng gaanong pumapansin sa kalikasan. Sa mga laro na hindi kailangang paggugulan ng salapi. At sa iba pang mga mabubuting bagay na hatid ng kapaligiran.
Ngunit darating ang araw na titimo ito sa kanilang isipan. Subalit huli na ang lahat. Gagantihan na sila ng kanilang ginawang kapabayaan. At kahit anong salba ang gawin nila sa kalikasan ay hindi na ulit ito manunumbalik sa dati nitong kagandahan.”

“Kuya, sana katulad ni Superman, may magawa din silang bayani na magliligtas sa kapaligiran.”

Napatingin sa akin si kuya Ron.

Hindi mo naman kailangan ng isang gawa-gawang bayani.” natatawang sabi ni kuya. “Ang kailangan mo lang ay pagmamahal sa bagay na gusto mong protektahan.”

Napatango-tango ako sa sinabing ito ni kuya.

Tama s’ya. Siguro kahit si Marco man ang makaharap ko ngayon ay ganun din ang sasabihin niya sa akin.

Pati si Lolo.

Muli ay naisip ko si Lolo. Ang pagmamahal niya sa amin at sa aming naging kanlungan.

Bigla ko siyang na-miss at muli ay nakaramdam ako ng pagnanais na balikan ang mga sandali na kami ay nasa damuhan.

(Photocredit: wowlit.org)

# # #

03-29-12

1:49pm

Ito ay lahok ni Mhey sa pakulong Bagsik ng Panitik sa Damuhan.

Advertisements

32 thoughts on “Ang Ala-ala ni Lolo”

        1. ahh,, hahahah..
          nabasa ko na lahat..

          lahat magaganda.. sa mismong plot lang magkakatalo.. sa nilalaman ng story/poems..

          ^_^

  1. Mhey, kasama mo ako sa iyong kuwento.

    Noong una, nabagalan ako pero nang malagpasan ko na ang kalagitnaan, mas naging interesting na.

    Mahusay na paglalahad ng kuwento ito. Sa mga aral na ibinigay ni Lolo sa kaniyang mga apo. At si di matatawarang paninindigan na siya ding minana ng kaniyang mga apo.

    Walang duda na ito ang wikang Filipino. May sining, may damdamin, may-aral.

    🙂

    1. hello po J. kulisap,

      salamat po sa iyong komento. 🙂
      sa totoo lang, hindi ko pa po muling binabasa itong kwento na to. kasi alam ko na naging magulo. Nahirapan kasi ako na mag-isip kung papaano pagsasamahin ang sampung salita at maitema sa damuhan ang kwento. hahahah. Napagod ang bawat cell tissue ng utak ko.. 😀

      Kaya thank you po sa comment at papuri. 🙂

      Godbless ^__^

    1. thanks po.. 🙂

      hahahahah.. mas gusto ko po talaga ang magsulat sa tagalog. Mas madaling i-express ang saloobin.. 🙂

      Godbless po.. ^__^

  2. hello marrymhey,

    Ganda ng kwento naalala ko tuloy ang lola at lola ko sana nakasama ko sila:)
    good luck mhey..sana manalo ka:))

      1. nagustuhan ko ang mga panitikan ni lolo. lahat ay nagsimula sa pangarap.

        hindi natin maiiwasan na may mga taong nalilihis ang pangarap. sana lang, bago mahuli ang lahat, maituwid nila ito at maitama.

        namulat ako sa ilang maling pangarap. salamat sa pagtatama nito. sisimulan kong baguhin at ituwid bago mahuli ang lahat.

        1. hi obotolohiya,
          maraming salamat sa pagbisita.. ^_^

          tama. minsan dahil sa tayog ng mga pangarap, meron ng mga nasisira na hindi namamalayan.. 🙂

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s